‘yung kumpanyang ‘yun

inutusan ako ng boss ko nung isang araw na maghanap ng mga kumpanya na mag aayos ng internet namin dito sa hotel, proyekto namin ‘yun nung sekretarya n’ya dahil paalis ang boss ko papuntang ibang bansa kaya ang mangyayari ako ang maghahanap tapos ipapasa ko sa sekretarya para s’ya ang kakausap at magtatakda ng araw para sa mga presentasyon, demo, at mga kung anu ano pa, pagkatapos n’yan pipili kami ng dalawa o tatlo sa mga ‘yun na ihaharap naman namin sa boss ko pagbalik dito.
nagising ako kanina mula sa mababaw na pagtulog nung may halos tatlong minuto lang ang pagitan ng magkakasunod na pagtunog ng telepono ko, isang email mula sa sekretarya para sa kumpanyang ‘yun, isa sa sagot ng kumpanyang ‘yun, isang tawag mula sa sekretarya para itanong sa akin kung natanggap ko ‘yung palitan nila ng email, at isa pa ulit tawag mula naman sa kumpanyang ‘yun para daw sa pagbisita nila mamaya sa hotel na pinagtatrabahuhan ko.
napaaga lang ako ng labinlimang minuto sa kanya at naka break naman ang sekretarya ng boss ko kaya kami muna ang nagharap, pinaliwanag ko sa kanya kung bakit kailangan namin palitan ‘yung lumang sistema namin at kung gaano kahirap sa akin bilang mag isa lang na nasa departamento ng IT ang sitwasyon sa amin, inihain n’ya sa akin ang mga solusyon at adbentahe ng kumpanya nila at naging maayos ang usapan namin hanggang nakabalik na sa opisina ang sekretarya kaya umakyat na kami dun. pinaliwanag ko sa kanya na andun lang ako para sa mga teknikal na suporta pero mas ‘yung sekretarya talaga ang dapat n’ya makausap dahil ayun ang nakakaalam ng pasikot sikot sa hotel at s’ya din ang magpapaliwanag sa boss ko kung sakaling isa ang kumpanya nila sa mapipili pagtapos.
nasa isang malaking pabilog na mesa na kami habang pinapakilala sa amin nung taong ‘yun ang kumpanya nila at kung anu ano ang mga kaya nilang gawin, ‘yung mga tipikal na eto kami at eto ang mga kliyente namin, kaya namin ‘to at kaya namin ‘yan. hindi naman ako masyadong nainip o inantok gaya ng inaasahan ko at naging maayos naman sana ang lahat kung hindi lang medyo lumagpas sa nararapat ang pagiging smartass nung taong ‘yun, pagtayo n’ya bilang hudyat na tapos na ang meeting at demonstrasyon inilahad n’ya ang kamay sa akin at nagpasalamat s’ya sa oras na ibinigay ko sa kanya na agad ko naman sinalubong ng kamay ko sabay sabi na personal kong nagustuhan ang serbisyo nila pero sabi ko nga nung una hindi kami nung sekretarya ang magdedesisyon para dun pero umasa s’ya na kasama na s’ya sa tatlong pagpipilian sabay pisil sa kamay n’ya bilang senyales na sinsero ako dun sa sinabi ko. humarap s’ya sa sekretarya at sila naman ang nagkamay habang ako naman e kunyaring may sinusulat sa notebook na dala dala ko na sa totoo lang dinrowingan ko lang naman kanina habang nagsasalita s’ya ng taong patpat na mag asawa na nakatingin sa kubo nila sa harapan ng bundok na sinisikatan ng araw.

“salamat din sa oras, binibining sekretarya. makakaasa kayo na pag kami ang napili n’yong kumpanya para sa internet n’yo hindi n’yo na kakailanganin ng IT sa hotel na ‘to”

..hindi yata ako nakapagpakilala ng maayos sa mamang ‘yun kanina.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s