midnight snack

ang isang malawak na espasyong pumapagitna at naghihiwalay sa pagiging manunulat at ng mambabasa ay ‘yung pag nagsusulat ka hindi mo kailangan ng mambabasa para matawag kang manunulat, ang kailangan mo lang ideya. hindi tulad pag ikaw ang nagbabasa kailangan mo ng letra ng nagsusulat para matawag kang mambabasa dahil kung wala nun mas lohikal na tawagin ka sa mas ibang pagkakakilanlan katulad ng ale o mama o kaya normal na taong internet lang. sa mas madaling salita, kailangan ng pangalawa ang nauna at p’wedeng paghugutan ng lakas ng nauna ang pangalawa pero hindi ibig sabihin na ikamamatay n’ya ang pagkawala nito. ang manunulat ay mananatiling manunulat hangga’t pumapayag s’yang kunsintihin ng mga letra n’ya ang landi ng utak n’ya.
kung ibabase sa tunay na buhay ang mundo ng internet at ang mga dinanas ko sa larangan ng pagsusulat at ilang beses na sadya at mga hindi sadyang pagpapatalsik sa maliit na espasyong pinagsusulatan ko hindi kalabisan na sabihing isa ako sa mga iskwater sa baseco na napilitang lumikas sa tinitirahan dahil pinasunog ng makapangyarihang tao ang buong lugar namin mapatalsik lang kami, ako din ang magsasaka na naglaan ng halos kalahati ng buhay sa pagbubungkal ng lupa na hindi naman sa akin at sa huli sila lang ang nakinabang at wala akong napala, ako din ‘yung nakatira ng marangya at payapa sa isang kwarto sa serendra na pansamantalang pinaalis dahil sa hinihinalang bomba na sumabog dun, ako din ‘yung isang muslim sa zamboanga na naipit sa gera na mukhang palabas sa entablado pero gumagamit ng tunay na bala at sa mga manonood nakatutok ang baril, ..at sa ibang mukha ng kwento ako din ang tunay na ako na nung nakaramdam ng inip at nakapag ipon ng kaunting yabang sa dibdib umalis sa pinapasukang trabahong matatag para sumugal at makipag sapalaran sa ibang bansa.
hindi ako magaling magsulat, nagkataon lang na mga mahihinang klase ang mga nakasabayan ko sa wordpress dati kaya mabilis akong napaglaanan ng silyang kumportableng mauupuan. ibang iba na ang mundo ng pagbablog ngayon kesa noon, mas magagaling na siguro ang estilo ng mga nagsusulat ngayon pero mas matatalino pa rin ang mga nagsusulat dati dahil hindi uso noon ang pangungunsinti ng manunulat sa mambabasa, ibig sabihin mambabasa ang kailangang sumabit sa mga letrang sinusulat mo at humahabol sa bilis ng utak mo hindi tulad ngayon sa nakikita ko na para lang maabot ng mambabasa ang takbo ng isang manunulat ibinababa ng manunulat ang kalidad n’ya at pinababaduy pilit ang mga salita para kusang sumabay sa kabagalan ng mambabasa n’ya. manunulat na tanga lang ang naglalagay ng balahibo ng tangang mambabasa sa sumbrelo n’ya.
matagal akong hindi nagsulat at hindi ang gutom ng mambabasa ang kailangan kong punuan kundi ang kalam ng utak ko. magluluto ako para sa sarili ko at hindi para kung kanino dahil nakatambak ang mga rekado sa kusina na pinanghihinayangan ko na basta mabulok lang, magbungkal ang kung sinong nagugutom.

pag natulog kang gutom hihiwalay ang kaluluwa sa katawang lupa mo para pumasok sa siwang ng takip ng kaldero at malaki ang posibilidad na makulong ‘yun dun hanggang kinabukasan.

sa tunay na mundo, mamamatay kang gutom at ang katamaran mong bumangon para maghanap ng makakain ang nagpahamak sa’yo, at sa mundo ng internet namatay kang tanga dahil tamad kang magbasa.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

1 thought on “midnight snack”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s