batas

bukod sa kailangan mo ng imbitasyon at hindi ka p’wedeng basta basta papasok na lang ng walang pahintulot kung ayaw mong maipalapa sa mga aso at mamatay, katulad ng isang kaharian may mga batas din na kailangang sundin ang mga magtatangkang pumasok sa buhay ko. kung tutuusin simple lang naman ang mga ito at sa katunayan hindi ko na nga kailangan pang sabihin ang ilan dahil otomatik na ‘yun para sa mga may sentido kumon.
huwag ka sanang malito sa bilang ng pagkakasunod sunod nila dahil ang batas na pinag uusapan natin dito ay walang timbangan ng kung ano ang mas pinaka importante at alin ang hindi, maliban lang dito sa nauuna.

1. maghugas ng paa at siguraduhing malinis ang bakas na nilakaran.
– ibig sabihin bago ka humarap sa akin burahin mo ang bakas ng mga sinundan kong relasyon, ayokong nakakakita ng ganun. kung hindi ka pa tapos sa dati mong relasyon kaya kailangan mo pa ng mga litrato o sulat na babalik balikan mo tuwing nalulungkot ka o pampaantok tuwing hindi ka makatulog ayusin mo muna ang sarili mo bago ka kumatok sa pinto ko. kung tutuusin mas pabor pa para sa’yo ‘yan kesa sa akin dahil oras na may makita ako na isa hanggang dalawa na mapag huhugutan ko ng maibabato sa’yo sa maniwala ka man o hindi matagal tagal bago mo mabubura sa utak ko ‘yun at maniwala ka na hindi kita titigilan dun dahil una, magaling akong gumawa ng isyu at pangalawa magaling akong magkalkal lalo na sa internet, para akong dagang bahay na sinaktan mo pero hindi mo napatay kaya ultimo pinagkakatagu tago mong gamit ngangatngatin ko at bilang pang iinsulto na mas matalino pa ang bubwit na ‘to kesa sa’yo ikakalat ko pa bawat piraso ng tela o papel na ngangatain ko, confetti style!
sabihin mo ng insecure ako o isip bata pero ipagpalagay na lang natin na mas gusto kong paghandaan ang problemang lilikhain ng bukas kesa magsayang ng oras sa pagsalag sa sakit na pwedeng ibato ng nakaraan. ..o sa mas madaling salita, kung pusa ako hindi ko kakayaning tumae sa buhanginan kung may tae ng ibang pusa sa tabi ko na hindi pa natatabunan. gets?

2. maghugas ng kamay.
– ayoko sa lahat ng taong sinungaling, pag ginawa mo sa akin ‘yun kahit tungkol sa pinakakaliit liitang bagay para sa akin unang hakbang na ‘yun para lokohin mo ako. seryoso, ‘wag ka ng magtangkang subukan dahil bukod sa sobrang galing kong manghuli ng nagsisinungaling sa akin naniniwala ako na kakampi ko ang pagkakataon sa bagay na ‘yan madalas. ‘yung mga iilang kasinungalingan na nakakalagpas sa matalas na pang amoy ko.. pagkakataon ang kusang naghahatid sa mismong mga palad ko ng katotohanan.
simple lang naman ‘yan, pag may nagawa kang kasalanan aminin mo at pagdusahan mo at tanggapin mo kung wala akong maibibigay na pagpapatawad sa nagawa mo mas mabuti na ‘yun kesa gumawa ka pa ng isang libong kasinungalingan para lang pagtakpan ang iisang pagkakamali mo, ang ibig sabihin nun mas ginusto mong lokohin ako kesa sumugal at magbakasakaling mapatawad pa kita. niloko mo na ako hinusgahan mo pa ang pagmamahal ko sa’yo. mas mabuting masaktan sa sampung pagkakamali kesa maging kumportable sa isang kasinungalingan.

3. huwag hahawakan ang mga gamit.
– bihira akong magkaron ng tinatawag na magandang gising kaya hangga’t maaari huwag mo akong kakausapin hangga’t hindi pa ako bumabangon sa higaan. importanteng bagay sa akin ‘yung ilang minutong paghiga muna sa kama bago bumangon at simulan ang araw ko, ayun ‘yung proseso na maihahalintulad ko sa pagpapa inin pa ng kanin bago mo s’ya hanguin at ilipat sa lalagyan. huwag mo rin akong kakausapin pag may binabasa ako libro man o sa net lalo na pag nakita mong nakakunot ang noo ko dahil ibig sabihin nun may hindi ako maintindihan at sa oras na may marinig akong salita o kahit na anong ingay mula sa’yo gagamitin kong dahilan ‘yun kung bakit ako naguguluhan sa binabasa ko imbis na yakapin ang katotohanan na posibleng hindi maabot ng utak ko ang impormasyon na nasa harapan ko. at pang huli, huwag mo akong kakausapin pag kumakain ako dahil sa simpleng dahilan na nung bata ako daldal ako ng daldal habang kumakain kaya mula sa likod sumulpot ang tatay ko para ingudngod ako sa platong kinakainan ko. ..ngayon masisisi mo ba ako kung bakit malayo ang loob ko sa kanya?

4. sumunod sa pila.
– may tamang paraan para ipakita sa akin ang mali ko at may teknik para sawayin ako sa gusto kong gawin. pag sinabi ko na ang isa pag dinagdagan mo pa ng tatlo magiging lima huwag mo akong kokontrahin ng diretso iparamdam mo sa akin na tama ako dahil hindi ako nagkakamali, minsan lang may mga pagkakataon na mas tama ka. apat ang sagot sa tanong dahil ayun ang mas nakasanayan na. mag ingat ka sa pagsaway sa gusto kong mangyari dahil kadalasan mas nakikita ko ‘yun bilang hamon kesa pagpapaalala. kung ang reaksyon ng nanay ko nung unang beses na sinabi kong pupunta ako ng dubai ay hindi puro negatibo katulad ng mahihirapan ka lang dun baka ma-rape ka pa ng mga taxi drivers.. baka sakaling wala ako dito ngayon at nagtitiis sa init at gutom dahil sa ramadan.

5. dito ang daan palabas.
pag magkaaway tayo huwag mo akong kukulitin na makipag ayos sa’yo, hayaan mo lang akong magbunga ng magbunganga dahil ayun ang natural ko, kung gusto mong humaba ang usapan sumagot ka at kontrahin mo ako pero ngayon pa lang sinasabi ko na hindi ka mananalo sa akin. isa ako sa pinakamahusay sa larong chess sa mga kabataan sa lugar namin dati at bihira akong matalo, bukod sa nauuna lagi ng tatlong tira ang utak ko kumpara sa kalaban mabilis akong makaramdam pag malapit na akong matalo, magaling sumimple ang tuhod ko para “aksidenteng” matabig ang mesang pinaglalaruan namin, ulitan at hindi ako nahihiyang ulit ulitin ‘yun tuwing nanganganib ang hari ko.
minsan gusto kong tumahimik na lang at solohin ang galit na nararamdaman ko, ayun ang mapanganib. bigyan mo ng pabor ang sarili mo at huwag na huwag mo akong kukulitin na kausapin ka, kung magagawa mong paglahuin ang sarili mo sa harapan ko ayun ang gawin mo dahil ayun ang pinakanararapat at pinaka lohikal na dapat mong gawin sa puntong ‘yan. hindi ako nakukuha sa sorry at sa mga kung anu anong paglalambing, hayaan mong kusang mawala ang galit sa dibdib ko sa natural na paraan na alam ko. hindi ako simpleng apoy na handang maminsala at manakit kung hindi mo maaagapan ng tubig, impyerno ako pag nagalit at pag umabot ka sa galit ko na ‘yun huli na ang lahat para magdasal.

kung handa kang sumunod sa mga patakaran na ‘yan matapos mong matanggap ang imbitasyon buong puso kitang tatanggapin sa kaharian ko at hangad ko na maging masaya ang pananatili mo dito, makakaasa ka na paglilingkuran kita sa abot ng aking makakaya. at kung sakali naman na nag aalangan ka umasa ka na hindi kita kukulitin at hihilahin para lang sapilitang ipasok sa buhay ko, ayoko ng sisihan sa bandang huli.

Jon Cabron

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s