lakbay diwa

kulang na lang ng isang araw para makumpleto ko ang isang buong linggo na halos walang tulog. imbis na isang mahabang paghimlay ang nasa pagitan ng madaling araw at umaga ko anim na araw na akong nagtitiis sa lima hanggang pitong maiikling pag idlip lang, ansakit sa ulo at nakakabaliw. walang epekto ang cough syrup na dalawa’t kalahating kutsara kong ininom nung isang gabi, inabot pa rin ako ng liwanag sa panliligaw sa mailap na antok.
makalipas nga ang anim na araw kanina lang ako nakatulog ng maayos at dire diretso, salamat sa dalawang tabletas ng pangontra sa sakit ng ulo na may kahalong mabisang pampaantok.

una:
basta ang naaalala ko nag aagawan daw kami sa baril nung isang pinsan ko na malimit kong makausap sa facebook tapos dalawang putok ang umalingawngaw, ‘yung una mula sa kanya habang nakatutok ang baril sa leeg ko pero mabilis kong nailagan at ang pangalawa ako na ang may hawak ng baril at bumagsak ang katawan n’ya sa lupa pagkakalas ng yakap ko sa kanya, kitang kita ko pa kung papaano unti unting gumagapang ang dugo na nanggagaling sa butas sa ulo n’ya papunta sa lupa.

pangalawa:
pumunta ako sa burol n’ya at s’yempre nandun ang iba pa naming mga kamag anak pero ang nakakapag taka ang nanunumbat sa akin ay magulang ng isa pa naming pinsan, eto naman ‘yung pinsan ko na pinakamalapit sa akin. bakit ko raw nakuhang barilin ang pinsan ko na ‘yun samantalang ang ganda ganda ng samahan namin. ipinaliwanag ko sa kanila na ‘yung pinsan ko na ‘yun ang may hawak ng baril at s’ya ang unang nagpaputok dinepensahan ko lang ang sarili ko. ipinagmamatigasan nila na walang baril ang anak nila..

“saan sa tingin mo s’ya kukuha ng baril? wala s’yang baril!”

..hindi ko alam.

“at bakit sa tingin mo pagtatangkaan n’ya ang buhay mo?”

…. hindi ko alam ang sagot, pinilit kong alalahanin pero hanggang dun lang talaga sa tagpong nag aagawan kami ng baril ang kayang marekober ng utak ko.

ang gulo gulo ng isip ko, parang na virusan ang utak ko at kahit anong gawin kong paglilinis hindi ko na marecover ang laman ng hard disk ko. parang nainfect ng virus tapos nilinis at nung malinis na tsaka nireformat.

nakatingin pa rin sa akin lahat ng mga kamag anak ko habang naglalakad ako papalapit sa kabaong ng pinsan ko, punum puno ng galit ang mga mata nila na lalong nagpapabigat sa paglakad ko at nagpapagulo sa utak ko. lalo akong naguluhan sa nakita ko sa loob ng kabaong.

ibang pinsan ko ang nakahiga dun.

pangatlo:
ito ‘yung pinsan ko na nakasamaan ko ng loob mahigit pitong taon na ang nakakaraan. s’ya ‘yung kasabay kong nagkaisip at kasama kong lumaki pero dahil sa isang biro nagkalamat ang lahat at siguro pareho na kaming naging abala sa sarili naming buhay kaya tinamad na kami parehong ayusin ‘yun.
lalong gumulo ang lahat at namalayan ko na lang na tumatakbo na pala ako papalayo sa lugar na ‘yun pero ang nakakapag taka habang papalayu ako ng papalayo palakas ng palakas ang naririnig kong bulungan ng mga kamag anak ko na naglalamay sa burol. parang sasabog ang ulo ko sa naghahalinhinang tunog ng paa kong tumatakbo, kabog ng dibdib, at maiingay na bulong ng panunumbat sa tenga ko.
tinawagan ko ang nanay ko gamit ang teleponong nakapa ko sa bulsa ko, binalaan ko s’ya na ‘wag pupunta sa burol ng pinsan ko at ‘wag makikipag libing, oo daw tapos tinanong n’ya kung nasaan ako ngayon.

nasaan na nga ba ako?

madilim sa paligid at mahangin, nasa taas ako ng bubong ng isang pabrika na hindi ko alam kung saan. hindi ko alam na dun pala ako dinala ng mga paa ko mula sa mahabang pagtakbo ko kanina. matapos kong isalarawan sa nanay ko ang lugar kung nasaan ako ipinababa n’ya na ang telepono. napansin ko ang pagmamadali sa boses n’ya pero hindi ko na lang ‘yun pinansin. maya maya nakarinig ako ng ingay mula sa madaming kotse ng pulis at dalawang bagay ang agad na pumasok sa isip ko, pinapahuli ako ng nanay ko.. at kailangan kong makaalis agad para tumakas.

pang apat:
aamba pa lang ako ng takbo ng nagulat ako sa dami ng tao na umunang tumakbo sa akin, iisa ang direksyon nila at dun din sila papunta sa nag iisang daan para makatakas ako sa mga pulis na nakahandang humuli sa akin kaya nakisabay na rin ako sa kanila. banggaan ang nangyaring takbuhan dahil sa dami namin na lahat gustong makatawid sa kabilang bubong patungo sa nag iisang daan pababa. habang tumatakbo ka kailangan mong sikuhin ang nasa gilid mo kung hindi babalyahin ka n’ya at hihilahin ka ng nasa likod mo para sila ang mauna sa’yo.
isang siko ang tumama sa ilong ko na nagpahilo sa akin at nagpatigil sa pagtakbo ko para balansehin ang tayo ko, mula sa nagdidilim na paningin inaninag ko ang gagong sumiko sa akin at minura ko ng malakas!
..narinig n’ya ako. bumagal ang pagtakbo n’ya dahan dahan pero hindi naman talagang tumigil tapos lumingon s’ya sa akin at ngumiti. bumuka ang bibig ko para murahin s’ya ulit pero walang lumabas na boses sa bibig ko, pakiramdam ko pinaliguan ako ng tubig na puno ng yelo nung namukhaan ko kung sino s’ya…

ang lalaking hindi kalayuan sa akin na nakangiti pagkatapos akong sikuhin kanina ay walang iba kundi ako rin.

dumiretso na s’ya ng pagtakbo at naiwan akong nakatulala pa rin sa kinatatayuan ko, hindi ko maihakbang ang mga paa ko sa labis na pagkabigla. hanggang sa inabutan na ako ng iba pang mga tumatakbo na naiwan na namin kanina..
at dun ko lang napansin na lahat pala sila ay ako mula sa iba’t ibang idad ko.

panglima
nakita ko ang itsura ko nung bata pa ako na nakikitakbo din, andun ang itsura ko nung elementary at highschool, pati ‘yung itsura ko nung una akong nagka gelpren, nagmahal, sabog, lasing, nag college, ..halos lahat! ang nakakatawa dun para kase makatawid ka sa kabila meron hindi naman kalayuang pagitan na kailangan mong talunin, nung nakita ko ‘yung matabang ako (idad bente dos o bente kwatro siguro nun at ayun ang pinakamatabang kaitsurahan ko) sinigawan ko s’ya bago s’ya tumalon..

“dahan dahan baka ka lumusot sa bubong”

mahaba haba pa ang kwentong ‘yan pero hindi na ganun kaimportante ‘yung ibang detalye katulad nung inalok pa ako nung dating adik na ako na pag pareho daw kaming nakalagpas dun at nakatakas sa mga pulis na humahabol sa amin gagamit daw kaming dalawa at sagot n’ya.

kung tutuusin bitin ang istorya ng panaginip ko, walang maayos na katapusan dahil tumunog na ang alarm ko hudyat para mag ayos na sa pagpasok sa trabaho. hindi ko na sana ikukwento pa dito ‘yan pero parang iba ang dating sa akin ng panaginip ko na ‘yan.. parang premonisyon.

kaya kung sakaling mamatay ako ano mang araw mula ngayon, basahin n’yo ulit ‘to at hanapan ng kahulugan.

Jon Cabron

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s