kung bakit malamang wala pa din akong atm card sa susunod na sweldo.

ako ang kakaibang kahulugan ng tinatawag nilang ghost employee. kung ang pangkaraniwang kahulugan nun ay ‘yung mga pangalang nakalista bilang empleyado na sumusuweldo na parang normal kahit na hindi naman pisikal na pumapasok sa trabaho medyo mas malapit sa literal na kahulugan ng salita ang sitwasyon ko, ako ‘yung pumapasok ng normal pero parang multo na wala namang nakakakita. ang tawag sa akin dito “kuya” o kaya “mr. IT” walang nakakaalam ng pangalan ko maliban sa sekretarya na nag interview sa akin dati, ang tawag sa akin ng boss ko “rodel” at sabi ng sekretarya n’ya ayun daw kase ‘yung pangalan ng pilipino din na IT dati dito.
mahigpit ang utos sa aming mga empleyado na kailangan sa likod ng hotel kami dadaan pag papasok at dun din lalabas pag uuwi dahil bawal kami sa harapan sa daanan ng mga guests. ako lang ang empleyado na nakakalabas masok sa harapang daan, isang adbentahe ‘yun na hindi ako namumukhaan ng mga tao sa front office kaya akala nila guest din ako. hanggang dumating ang araw na may kinailangan akong iuwing trabaho sa bahay at kailangan kong ipasa ‘yun kinabukasan ng naka folder, gaya ng pangakaraniwan dire diretso ako sa harap pero bago pa ako sunduin ng elevator mula sa taas may babaeng sumita sa akin, kung aplikante daw ako maghintay muna ako at umupo dun sa gilid ng reception at ipapatawag na lang kami isa isa para sa interview, dun ko lang napansin ang iba’t ibang lahi na nakaupo sa bahaging iyon na ang ilan masama pa ang tingin sa akin sa paghihinalang balak kong unahan sila. .. ayun ang ikapitong buwan ko ng empleyado sa kumpanyang ito at ang huling beses na sinuway ko ang patakaran nila na huwag dumaan sa harap.
kung tutuusin kakayanin ko sigurong ‘wag magpalit ng damit ng isang linggo at walang makakapuna nun na mga kasamahan ko dito, sobrang bihira ang tsamba na may tumawag sa akin para papuntahin ako mismo sa opisina nila. ang kalimitang senaryo lang dito tatawag sa akin ang tao sa front office para puntahan ko ang guest sa isang room na hindi makakonek sa internet, maayos ko o hindi iyon hindi ko na kailangan pang bumaba o tumawag ulit sa front office para balitaan sila. siguro ayun din ang dahilan kaya parang sa likod ng mga isip namin napagkasunduan na lang na ‘wag na silang mag abala pang alamin man lang ang pangalan ko o istorbohin ko ang sarili ko na magpakilala sa kanila. ..at oo nga pala, ang mga guests dito kalimitan tumatagal ng isang buwan mahigit kaya ‘yung bibihirang isang tawag malaki ang posibilidad na hindi na nasusundan pa.
hindi na bago sa akin ang sitwasyon na ganito dahil halos ganito din ako sa pinagtatrabahuhan ko dati sa pilipinas ang kaibahan lang dahil apat kaming umiikot ikot nun sa departamento namin, hindi “rodel”, “kuya”, o “mr. IT” ang tawag sa akin pag may kausap ako sa telepono kundi “ikaw ba ‘yung nagpunta dito at tumingin ng pc nung isang araw, ‘yung mataba?”
masama yata ang tyempo ko nung nagpunta ako sa accounting department kagabi para sana ifollowup ang ATM card ko dahil wala akong nakuhang sukli sa ngiti at good evening ko. inisip ko na lang na busy siguro ‘yung indianong accountant namin at sa totoo lang mukha naman s’yang masyadong abala talaga dahil sa walang tigil na pagtitipa n’ya sa calculator n’ya at pabalik balik na buklat ng makapal na papel na hawak n’ya at pagkukumpara nun sa naka display sa monitor n’ya. hanggang sa nakaisip ako ng tyempo para mapansin n’ya nung nag print s’ya ng kung ano, nagpakilala ako ulit sa kanya..

sa tagalog na usapan:
AKO: hi, ako si jon ‘yung tiga kabilang department sa IT.
ACCT: oh?
AKO: medyo maingay ang printer mo ah, matagal ng hindi nalinis siguro.
ACCT: oh?
AKO: pag hindi ka busy o hindi mo gagamitin lilinisin ko.

napansin ko na nagliwanag ang mukha n’ya. sa kahit na sinong empleyado kahit gaano pa kasama ‘yan malaking bagay sa kanila ‘yung may isang tao na lalapit sa kanya para mag laan ng tulong kahit gaano pa ‘yun kaliit katulad ng pagtanggal ng isang piraso ng bala ng stapler sa buhok o kanin sa gilid ng bibig.
kinalas ko ang mga kable ng printer n’ya at dinala ko sa mesa ko, maingay talaga.
kung papaikliin ang kuwento ganito ang nangyari.

1. hindi dapat ginagamit ang WD-40 sa de kuryenteng kasangkapan.
2. may narinig akong pumutok.
3. halos mapuno ng usok ang buong opisina ng IT.
4. usok at impit na sigaw ng pagkataranta.
5. seryosong hindi ko alam kung papaano ko napagkasya ng biglaan ang sarili ko sa ilalim ng mesa para bunutin ang sasaksakan ng printer.
6. kailangan kong gumawa ng report at eksplenasyon sa nangyari.
7. hindi ko na ipa followup ang tungkol sa ATM ko, hihintayin ko na lang.. sabi nga nila kung dadating e dadating.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

1 thought on “kung bakit malamang wala pa din akong atm card sa susunod na sweldo.”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s