liga

pasensya na kung muntik ng abutin ng isang buwan bago ako nakabalik para magsulat ulit, naging sobrang abala ako nitong unang pasok ng buwan ng nobyembre at halos hindi ko nga namalayan na kaunting gising na lang at magpapalit na naman pala ng buwan. ang balak ko talaga susurpresahin ko kayo na matapos akong mawala ng ilang panahon bigla akong susulpot para magpost ng picture ko habang nakauniporme ng pambasketbol kasama ang mga kateam ko pero eto kase ang naging kuwento.
sa pangalawang beses na nakasabay ko si bruce na dating housemate sa bahay ni kuya sa PBB dun sa pinagpapagupitan ko nagkaron kami ng pagkakataon na makapag usap habang hinihintay namin pareho na mabakante ‘yung bakla na tapusin ‘yung gupit ng nauna sa amin. nagyoyosi kami nun sa labas at nagkaron kami ng kaunting tipikal na palitan ng tanungan at sagutan matapos n’yang sagutin ng ngiti ang bating pagtango ko sa kanya.

saan ka dito? matagal ka na dito? saan ka nagwu work? saan ka sa pilipinas? napanood kita ah! ah sige ‘wag na natin pagusapan ‘yun. 
kumbaga sa tren na maayos na bumibiyahe ganun ko maikukumpara ang takbo ng usapan namin na sa kasamaang palad lumihis ang gulong sa riles.

Bruce: matagal ko ng gustong itigil ‘tong pagyoyosi, kaunting balikan ng takbo sa court hinihingal na ako e.
Ako: nako! ako din e..

ang gusto kong sabihin talaga e ako din gusto ko ng itigil ang paninigarilyo pero iba ang naging intindi n’ya.

Bruce: ang hirap ‘no? naglalaro ka pala, akina number mo ipapasok kita kulang kami ng isa kase ‘yung small forward namin hindi makasingit ng skedyul sa trabaho.

patay!

all filipino ang ligang aksidente kong nasalihan at malakas ang kutob ko na malaking dahilan kung bakit maraming nanonood nun ay dahil kay bruce, s’yempre iba pag lumabas ka na sa tv. isa isa kaming tinawag para lumabas at pumwesto sa gitna ng court.. halos mabingi ako sa sigawan nung tinawag na ang apelidong nakasulat sa uniporme ko,

RIIIICOOOHERMOSOOOO!

ayan ang apelido nung tunay na manlalarong pinalitan ko, inapiran muna ako ni bruce at nung iba pa sabay bilin ng gudluck. hindi ako kasama sa unang limang isinalang agad sa laro pero kaunti lang ang pinaghintay ko para maipasok ako. nasa amin ang bola nun matapos makashoot ang kalaban, 37 – 50 ang score at lamang ang kalaban. mahigpit ang bantay ko pero nakahulagpos ako nung aksidente n’yang matapakan ang sintas ng sapatos n’ya, nakita ko na lang na papalapit sa akin ang bola, palaki ng palaki hanggang masakop n’ya na ang buong paligid at habang hinihintay ko s’yang sakupin ng mga kamay ko nabigla ako sa isang mainit na hampas ng palad sa leeg ko kasabay ng isang nakakabinging sipol ng referee,

FOUL!

parang tinambol ang dibdib ko, papaano kung bigla akong ipag free throw? hindi ako marunong magdribble at lalong hindi ako marunong magshoot ng bola. papaano kung kapos at papaano kung sa sobrang kaba mahimatay ako? letse!
nilapitan ko ‘yung ref para bawiin n’ya ‘yung tawag n’ya at bahala na magdadahilan na lang ako para ilabas ako ng coach namin.

“ref, wala! malinis hindi n’ya ako tinamaan!”

nakatanga lang ‘yung referee sa akin, nagtataka kaya paulit ulit kong sinabi sa kanya na ok lang walang foul tsaka hindi naman ako nasaktan at hindi n’ya naman sinasadya, dahil nasa malayo ang mga kateam ko nun hindi nila naiintindihan kung anong pinaglalaban ko kaya nilapitan ako ni bruce sabay tapik sa pwet ko..

“easy lang, bro! anong problema? sige labas ka muna.. masyado ka palang mainit sa laro”

nakahinga ako ng maluwag pero hindi na binawi nung referee ‘yung foul nung kalaban at hindi rin ako pinag free throw. natapos ang laro na hindi na ako ulit naipasok. talo kami, tambak.
ilang araw pa ang lumipas bago kami nakapag laro ulit, eto daw ‘yung tinatawag na do or die sabi ni bruce nung tumawag sa akin bago ang gabing ‘yun kaya ihanda ko raw ang katawan ko dahil siguradong pukpukan ang magaganap. halos hindi ako makahinga sa kaba, abala ako sa pag aanalisa sa bawat kilos ng mga kalaban.. alam ko kung sino ang mabilis pero hindi maingat at ang mabagal pero sigurado ang bawat galaw, lamang lang ng limang puntos ang kalaban at malapit ng maubos ang oras. lalong sumisikip ang paghinga ko at nanlalambot ang mga tuhod ko habang patuloy sa pag agos ang pawis mula sa bumbunan ko, literal na naliligo na ako ng pawis dahil sa kaba na baka mafoul out ‘yung isang kateam ko at mapilitan ang coach na ipasok ako para maglaro dahil ako na lang ang natitira. mukhang dininig naman ng diyos ang dasal ko at naubos ang oras na hindi ako naipasok kahit saglit. natapos ang laban na lumaki pa ng sampu ang puntos ng kalaban kumpara sa amin. talo ang team ko pero panalo ako bilang tao, ako lang ang nakangiti sa team namin nung gabing ‘yun. sabay sabay kaming nagpunas ng pawis at nagpalit ng damit na wala man lang humiling para sana may souvenir ang team namin kahit isang picture lang na sama sama.

at bago kami maghiwa hiwalay pinaiwan nila sa akin ‘yung kumpletong unipormeng suot ko.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s