bubong

isa sa mga simple kong pangarap nung bata pa ako ang makaakyat sa bubong ng bahay namin. wala naman akong ibang dahilan talaga, siguro nung mga panahon na ‘yun gusto ko lang makita ang mundong ginagalawan ko mula sa ibang  anggulo at gusto kong madiskubre kung ano ang mga makikita ko sa taas ng bubong na hindi ko nakikita pag normal akong tumitingin mula sa lupa.
hindi lang siguro sampung beses akong tinutulan ng nanay ko sa limang beses na sinasabi ko sa kanya ang pangarap ko na ‘yun at hindi lang siguro limang beses akong napalo sa tatlong beses na nahuli n’ya akong palpak na sumusubok abutin ang pangarap na ‘yun.
hindi ko makakalimutan ‘yung isang araw na umuwi ako galing eskuwelahan at nalaman ko na wala ang nanay ko sa bahay kaya dali dali akong nagpalit ng damit pang bahay at pinlano ko ang pag akyat sa bubong na ‘yun. wala akong gamit na hagdan pero sa tagal kong pinag isipan ang pag akyat na gagawin ko at sa tagal kong pinag aralan ang diskarteng gagamitin ko saulado ko na kung saang parte ng bakod naming gawa sa lumang yero iaapak ang paa ko para maiangat ang sarili ko paitaas sa mas matibay na maapakan palapit sa bubong namin. tatlong malaking pagkakamali ang hindi ko napag handaan. una, nagkamali ako ng pag husga sa tibay ng inaapakan ko na nabali at kasabay kong nahulog mula sa itaas na ikinasugat ng paa kong sumakto sa isang nakausling lumang yero sa ibaba, mabilis na kumalat ang dugo sa kinabagsakan ko at namutla ako nung nakita ko ‘yung sugat na nakabuka sa paa ko, hindi ako makaalis sa kinabagsakan ko dahil sa masamang pwersa ng pagkakahulog ko. ‘yung dalawang pagkakamali ko, nagkamali ako ng akala na sa malayo nag punta ang nanay ko at pangatlo nagkamali ako ng tantya sa oras ng uwi n’ya.
ang nanay ko ang tipo ng magulang na hindi ka itatayo para pagpagin ang lupa sa tuhod mo pag nadadapa ka dahil sa kalikutan, s’ya ‘yung mula sa kinabagsakan mo dun ka n’ya papaluin para magtanda ka. madalas na mas masakit pa ang palong natatanggap ko mula sa kanya kumpara sa sakit na nararamdaman ko mula sa pagkakadapa at hindi iba dun ang naranasan ko na ‘yun nung nadatnan n’ya akong duguan dun at halos hindi makagalaw.
matagal bago gumaling ang sugat na idinulot ng palpak na pagtatangkang bigyan ng katapusan ang isang matinding kuryosidad at matagal bago nabura sa isip ko ang sama ng loob sa wala sa tamang pagkakataon na mga palong natanggap ko. sapat para panandalian kong nakalimutan ang munting pangarap na ‘yun.
lumipas ang panahon na wala kahit isang pagtatangka mula sa akin na abutin ulit ang katamtamang taas ng bubong ng bahay namin. napalitan ng kaba ang dating kalabog na nararamdaman  ko sa dibdib tuwing natatanaw ko ang bubong namin. mas naiisip ko ang pagkalaglag kesa pag akyat.
ilang panahon pa ang lumipas at napalitan na ng bato ang dating gawa sa yerong bakod namin, maliban sa akin wala ng nakakaalala na minsan may batang bumagsak sa lugar na ‘yun at duguang pinagpapalo ng nanay n’ya na kundi pa inawat ng mga kapitbahay ay hindi titigil para maisip na baka kailangang dalhin sa ospital ang batang ‘yun. paminsan minsan bumabalik pa rin sa akin ang lahat, pag natatanaw ko ang bubong namin at madalas pag nakakapa ko ang peklat na nakuha ko dun.
dumating sa akin isang araw ang pagpapasyang subukang akyatin ulit ang lugar na ‘yun. nasa hayskul na ako nun, mas mautak at mas determinado at hindi na kayang basta basta pabagsakin o takutin ng palo. gumamit ako ng hagdan at wala pang sampung baitang nun ang nakonsumo ko para marating ang itaas ng bubong namin. wala naman akong nakitang kakaiba sa taas at wala din naman akong naramdaman na karaniwang nararamdaman pag may isang bagay kang napagtagumpayan, normal lang ang lahat at parang hindi pa nga ako inabot ng kalahating oras at nainip na ako kaya bumaba din ako. ayun na ang una at huling pagkakataon na umakyat ako dun.
sobrang layo ko sa bahay namin ngayon at hindi ko alam kung bakit halos magdamag akong hindi pinatulog kagabi n’yang tagpong ‘yan, napangiti ako habang kinakapa ko ‘yung peklat sa paa ko. nakatulugan ko na ang ilang tanong sa isip ko na nagmula din sa akin, bakit ganun kaimportante sa akin na maakyat ang bubong kapalit ng sugat at mga palo at bakit nung andun na ako sa itaas pagkatapos ng ilang panahon parang wala naman akong naramdamang kakaiba? kanina  ko lang nakapa ang sagot sa utak ko.
siguro sa likod ng isip ko nung mga panahon na ‘yun dahil nga bata pa ako hindi pa ganun kalawak ang utak ko para ipaliwanag kung bakit ko gustong maakyat ang bubong namin kaya kinailangan ko ng dahilan para may nakahanda akong sagot sa tuwing tatanungin ko ang sarili ko ng bakit: “dahil gusto kong makita ang mundo pag nasa taas ako.”
siguro  kahit  mas may idad na ako nung naakyat ko ang bubong kulang pa rin ang mga karanasan ko sa buhay nun kaya hindi ko naipaliwanag sa sarili ko kung anong napala ko nung natupad ko ang pangarap ko dati. ngayon, masasabi ko na subok na ako sa hamon ng buhay, ilang beses na din akong bumagsak, nasugatan, nalaglag, at umakyat kaya siguro mas maipapaliwanag ko na ng mas malinaw ang lahat. may mga bagay tayong gustong gawin na kahit alam natin na posibleng ikapahamak natin gagawin pa rin natin dahil ganun tayo  gawa, nakaprograma tayong abutin ang mga bagay na hindi natin maabot at hindi makuntento sa kung saan tayo nakalugar. hindi sa taas ng bubong nagtatapos ang mga lugar na gusto kong marating at hindi sa pagkahulog at sugat lang ako mapipigilan para tuparin ang mga gusto ko, may mga lugar na pipilitin kong marating katulad ng bubong namin hindi dahil may gusto akong gawin o makita sa itaas kundi para lang maranasan kung anong pakiramdam na andun ako.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

4 thoughts on “bubong”

    1. Sublime invitacif3n para dsajree acariciar por tan bello video y abrir la puertas del alma con nueva luz, mfasica para reforzar el espedritu y color, que acompaf1 a tan espectacular paisaje.Felicidades, ha encantado. Gracias!.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s