pards

   hindi ko na maalala kung papaano napadpad ang mahabang usapan namin ni jec kanina patungkol dun at basta namalayan ko na lang ang sarili ko na nakakagat sa bagang ko at gigil na gigil na tuluy tuloy na walang humpay na tinatapos ang kwentong ibinabahagi ko sa kanya. hindi naman naging mahirap sa aking pulutin ang bawat piraso ng tagpong iyon, sariwa pa hanggang ngayon sa akin ang ala ala na ‘yun kaya saulado ko pa kung saan sa loob ng utak ko sila isa isang pupulutin at maayos na bubuuin. ngunit kasabay din ng paggunita ang pagsusulputan ng magkakahalong emosyon ng sakit, galit, at panghihinayang.
nasa unang baitang ako ng kolehiyo nun matapos kong tumigil ng isang taon pagkatapos ng hayskul. bagong mundo at bagong mga kakilala at para paikliin ang kwento meron akong nakilala at hindi nagtagal naging mundo namin ang isa’t isa. maayos ang relasyon namin, kung tutuusin hanggang ngayon isa ‘yun sa pinaka plantsado kong relasyon sa lahat. 
isang linggong pilitan para makumbinsi n’ya ako at isang linggo pa ulit na preparasyon ang ipinaghanda namin para sa reunion na ‘yun. ‘wag daw akong mailang dahil isasama din naman ng ate n’ya ‘yung boyfriend nito at madami din naman daw mga “kaibigan lang ng kamag anak” na pupunta. isang bilaong pancit malabon at pichi pichi ang napagdesisyunan kong dalhin.
abala ang lahat nung sandaling iyon, hindi lang siguro lima o walong beses na sikreto kong hiniling  na sana nagkatrangkaso na lang ako nung gabi para hindi na ako natuloy dun kinabukasan.. o kaya may isa sana silang matandang kamag anak na andun nung mga oras na ‘yun ang basta na lang matumba at magkikisay, tapos ang kasiyahan.
mag iisa’t kalahating oras na yata akong nagpapanggap na nagbabasa ng maikling nakasulat sa isang lobo nung naisipan n’ya akong balikan, humingi s’ya ng pasensya at ikinatwiran ang mga pinsan n’yang galing amerika na matagal n’ya ng hindi nakikita, halika ipapakilala kita ang sagot n’ya sa sinabi kong ok lang bilang pagtanggap at pang unawa sa paumanhin n’ya, nagdahilan ako na hihintayin ko munang mabawasan ang tao sa loob bago ako papasok dun dahil hindi ako makahinga sa sikip at dami ng tao, kalahating totoo at kalahating kasinungalingan.
kung gusto ko daw dun na lang ako sa may terrace pumuwesto kesa nakaupo akong mag isa sa may labas ng gate, ‘wag daw akong mailang dahil halos hindi naman nila kamag anak ang mga dadatnan ko dun. hila hila n’ya ako sa kamay habang papalapit kami sa isang grupong nakaupo sa isang hilera ng mga upuan na sabay sabay nagkantahan ng tugtuging pang kasal nung nakita kami, wala kahit isa sa mga ‘yun ang pamilyar ang mukha sa akin.
ipinakilala n’ya isa isa ang grupo, eto ‘yung kinukuwento ko sa’yo dati na kaibigan ng kuya ko. kumaway, eto ‘yung pinsan n’ya.  umapir,  kaklase ni ate. kumamay, at may isa pang nagpatawa na hindi na hinintay mabaling sa kanya ang introduksyon, kumamay na sa akin na may kasamang bangga ng dibdib.. sa isip isip ko:

“wow! komedyante, p’wedeng bugahan ng iniinom sa mukha”

ng biglang tinapik ng gelpren ko ang balikat ko para inguso ang paparating na may bitbit na plato na puno ng pagkain at kanina pa pala pabirong kinukuha ang atensyon ko.

“aha! ayan pala ha! teka nga at makaliskisan ‘yan”

anak daw ng dating kaklase ng tatay n’ya at malapit sa kanila, eto daw ‘yung irereto dapat sa kuya n’ya kung hindi lang naging tomboy. naka slacks na pantalon s’ya at naka tucked in dun ang polo shirt n’ya na stripes habang itim na tshirt naman ang nasa loob nun, iisa ang hikaw, at hati sa gitna ang buhok na mahaba ng bahagya sa likuran. isang tapik pa ulit sa balikat ang nagpabalik ng diwa ko, nasa harapan ko na pala si tomboy at dahil sa pagkabigla mas nauna ko pang napansin ang kakaibang kislap sa mga mata at ngiti n’ya bago ko pa napansin na nakalatag pala sa harapan ko ang kanang kamay n’ya na naghihintay na makamayan ko, nahihiya akong ngumiti at humingi ng pasensya sabay abot ng kamay n’ya para mabigla lang sa ginawa n’ya pagkadikit na pagkadikit ng palad ko sa palad n’ya. bigla n’yang hinila ang kamay ko sa lakas na sapat na para sumama ang buong katawan ko sa naghihintay na hampas ng kabilang kamay n’ya sa dibdib ko, salubungan.

“uunahan na kita, pards! basta ‘wag mo lang lolokohin ‘tong babae na ‘to, ayos ba?” 

may bumarang mahinang sigaw sa lalamunan ko dahil sa pagkabigla at kinailangan ko pang lumunok ng dalawang madiin para magpakawala ng isang plastik na ngiti at “oo naman, makakaasa ka, pards!” pero duda ako kung narinig n’ya ang sagot ko na ‘yun dahil sa lakas ng tawanan nung grupong hindi pa lumilipas ang sampung minuto pagkatapos kong makilala ang mga miyembro. ..nagkamot ako ng ilong para pasimpleng pahiran ang luhang lumambitin sa pilikmata ko.

-itutuloy- 

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

3 thoughts on “pards”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s