tanong sagot 26

dahil wala din akong gana na magkuwento para makabuo ng isang entry hayaan n’yo muna akong maging isang mabuting kaibigan at magbigay ng ilang payo sa isang kaibigan na dumadaan sa isang pagsubok. 

maaari ba akong magtanong? Nalulungkot lang ako, sobra. Kahit hindi pupwede, magtatanong pa rin ako.

Paano ba ang lumimot?

Mahigit isang linggo na akong nasa kalungkutan. Nililibang ko ang sarili ko, lumalabas, nakikipag-usap pero dahil bakasyon, madalas mahaba ang oras ng pag-iisa ko at ang ex ko ang naiisip ko. Hindi ko alam, ngayon ko na lang uli naranasan ‘to.

—- hindi ko alam kung bakit naging ex n’yo na lang ang isa’t isa at at gaano kayo naging katagal kaya paumanhin kung medyo magtutunog “generic” ang isasagot ko. sa tingin ko:

madali kaseng magpayo na kesyo pag nagmahal ka ‘wag mong ibigay lahat at magtira ka sa sarili mo para kung sakaling maghiwalay kayo may matitira pa sa’yo. madaling sabihin ‘yan pag wala ka sa sitwasyon na ‘yun, para sa akin kase pag nakipag relasyon ka dapat handa kang ibigay lahat at dapat handa kang magpasakop, iyon ang konsepto ng pakikipag relasyon e ‘di ba? ‘yung maging iisa kayo.
habang tumatagal at habang lumalalim ang relasyon n’yo nasasanay ka sa ganung sitwasyon, hindi ka makakilos ng hindi s’ya kasama at hindi ka makapagdesisyon ng wala s’ya. madalas na iyan ang nagiging problema pag nagkahiwalayan na, pakiramdam mo hindi ka na buo at may kulang na samantalang sanay ka naman dati na mag isa lang at gumagana ng walang kasama bago s’ya dumating sa buhay mo. nasanay ka na kase, sabi ko nga minsan hindi na ‘yung tao ang hinahanap mo e kundi ‘yung relasyon lang at kaya nga minsan kahit gaano kalalim ‘yung sakit na ginawa sa atin ng isang tao parang pakiramdam natin hindi pa rin tayo kumpleto kung wala s’ya.

Oo bilang Kristiyano, naiintindihan ko na ang buhay. Ang lahat may dahilan at may magandang plano ang Diyos para sa akin. Pero bilang nagmamahal, aaminin ko, kahinaan ko ang pag-ibig. May mga dumadating naman, muling nagkakulay ang mundo ko at muling umikot. Sabi nga ng mga malalapit na tao sa paligid ko, pipili na lang ako sa mga dumating. Pero bakit ganun? Alam ko handa ang puso ko na magmahal, pero bakit parang sarado ang isip ko na pumasok sa relasyon?

—- isa lang ang ibig sabihin n’yan, hindi ka pa handa. sa totoo lang, natatangahan ako sa konsepto na kailangan mong magmahal ng iba para makalimot sa isa. wala kaseng pinagkaiba ‘yun sa sinasabi ng iba na pag may hangover ka inuman mo ulit ng alak o pag kinagat ka ng taong lobo kailangan mong kumuha ng balahibo n’ya para gumaling ka.. kalokohan, kaya ka may hangover dahil dehydrated ka at malamang kulang sa tulog, walang pinakamabisang lunas dun kundi uminom ka ng maraming tubig at bumawi ka ng tulog. pag nasaktan sa pag ibig pagod ang isip at puso, kailangan mo ng pahinga. hayaan mo lang na kusa mong maramdaman na ok ka na, hindi ‘yun naiuutos e.. hindi ‘yun kasama sa pagkakaprogram sa atin ng diyos kaya ‘wag kang maniwala sa mga nabibiling libro na makakatulong daw kung papaano ka makakalimot at magiging handa sa bagong relasyon. kung tutuusin hindi direktang sinanay na tayo ng mga magulang natin sa sitwasyon na ganyan e, ‘di ba nung bata ka pag nanggaling ka sa lagnat at ngayon ka pa lang nakakaramdam na maayus ayos ka na hindi ka naman agad pinapayagan ng nanay mo na magtatakbo sa kalsada ‘di ba? katulad ng lagi n’yang sinasabi, magpahinga ka pa.. mas masama ang mabinat.

PS.
tungkol dun sa kagat ng taong lobo? problema mo na ‘yun, kung saan saan ka kase nagsususuot.

Mugto na naman ang mga mata ko. Bumabalik ang nakaraan. Lahat. Hindi ko alam kung epekto ba ‘to ng pinagdaanan ko nitong nakaraan buwan. Physically and emotionally, I was down. Asking God why people had to treat me that way despite of being nice to them. Parang durug na durog ako nun, apektado na ako ng sobra at ang oras ko pati linngo, wala akong pahinga. Ang istorya ng buhay ko, triple siguro ng mga ipinapalabas sa Maalala Mo Kaya. Totoo. Pero carry lang. Hindi halata sa akin.

—- sabi dun sa nabasa ko “expecting life to treat you Well because you are a good person is like expecting an angry bull not to charge because you are a Vegetarian” hindi talaga patas ang mundo, tanggapin na natin ‘yun. ilang beses lang sasama ang loob natin kung lagi tayong aasa na porke’t pinasaya natin ang isang tao o ginawan natin sila ng maganda e ganun din ang igaganti nila sa atin. kung gusto mong maging mabait, natural maganda ‘yun pero hindi ibig sabihin nun na ligtas ka ng masaktan ng iba. kahit tumatawid ka sa tamang tawiran kailangan mo pa rin mag ingat dahil hindi lahat ng driver e katulad mo na sumusunod sa batas.

Pagkatapos kong mabroken heart, ito na ang sumunod na pinakamatinding pinagdaanan ko. Sa dami ng pinagdaanan ko, ex ko ang nasa tabi ko. Kinaya ko ang lahat dahil nasa tabi ko s’ya. Ngayong sobra ang pinagdaanan ko, naramdaman kong mag-isa na naman ako, naalala ko siya. Namimiss ko sobra. I know GOD is comforting me, I know that I’ll get by ‘cause here with me. Pero bakit ang hirap lumimot, ginoo? Paano ba ang lumimot?

—- kailangan mo lang tanggapin na wala na talaga, tapos na. lahat ng hirap at bigat kailangan mo ng labanan at tapusin ng mag isa, masakit pero ganun talaga. hindi p’wedeng lagi kang back to zero tuwing sinusubok ka. ayokong palamutian ang sasabihin ko para gumandang pakinggan o basahin, hindi madali ang mawalan ng minamahal at katuwang sa lahat ng bagay para kang napilayan o namatayan ng kalahati ng katawan.. pero wala tayong magagawa kundi bumangon at hanapan ng silbi ang kung anong natitira pa sa atin.
pag nasa gitna ka ng dagat at walang malapit na posibleng tumulong sa’yo sarili mo na lang ang aasahan mo, nasa iyo ang desisyon at dalawa lang ang pagpipilian mo, hahayaan mo na lang ba na lumubog ka at tanggapin na lang ang kapalaran mo o pipilitin mong lumangoy at susubukan mong makaahon sa sitwasyon na ‘yun kahit walang kasiguraduhan? ikaw ang hari ng sarili mo.

Salamat ha? Hindi ako pupwedeng magtanong sa lahat ng tao sa paligid ko, Baka sakali, makakuha ako sa’yo ng sagot na iba sa kanila. ^^

— walang problema.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

2 thoughts on “tanong sagot 26”

Sarado na ang mga puna.