sa taxi at ang garapata sa pisngi ko.

  wala naman akong kakaibang ginawa kanina bago ako pumasok sa trabaho kaya inaasahan ko na magtatapos ang ordinaryong araw na ‘to na katulad ng pangkaraniwan lang. kung meron man, iyon siguro ‘yung pagpapalit ko ng brand ng wax na panlagay ko sa buhok. ilang buwan ko din tiniis ‘yung luma bago ko naubos, naaabnormalan ako dun na pag inilagay mo sa buhok mo kailangan mo pang paarawan ang ulo mo bago s’ya tumigas. iyon lang at siguro nga totoo ang sinasabi nila na nakakapayat tignan pag naka itim ka na tshirt.
hindi naman ako masyadong pagod kanina, mag aalas nuwebe na ako nagsimulang magtrabaho at alas dos pa lang tapos na ako. isang sakay na lang ako para makauwi ng bahay galing sa ilang istasyon din ‘yun na sakay ako ng tren, malayo pa lang ako natanaw ko na ang tatlong taxi na naka pila sa sakayan. “swerte!” pabulong kong isinigaw sa sarili ko. halos kalahati na ng katawan ko ang nakapasok sa sasakyan ng may narinig akong boses ng babae mula sa likuran ko..

“kabayan, saan ka?” 

saan ako papunta ang ibig n’yang sabihin. otomatikong hinugot ko palabas ang kung ilang parte na ng katawan ko na nakapasok na sa loob ng taxi, ginamit ko ang kaliwang paa ko habang hindi gumagalaw ang kanang paa na nakatuntong pa rin sa kalsada para umikot paharap sa kanya. sinabi ko kung saan ako bababa at tinanong ko s’ya sa pamamagitan ng mga mata ko kung saan ba ang punta n’ya.

“p’wede ba sabay na tayo?”

sinabi n’ya kung saan ang punta n’ya na lagpas lang ng konti sa tinutuluyan ko. nilakihan ko ng konti ang pagkakabukas ng pinto ng sasakyan na ang ibig sabihin ay pumapayag ako na sumabay na s’ya sa akin. hindi ako matangkad na lalaki pero halos bahagya lang ang itinaas ko sa kanya kaya matangkad ang tingin ko sa kanya kumpara sa karaniwan. sa totoo lang, hindi s’ya maganda pero hindi din naman s’ya pangit ..pero nasa disyerto ako, pag nakapulot ka ng isang bote ng malamig na bote ng mineral water sa gitna ng disyerto para ka na rin nakapulot ng ginto nun. umaandar na ang taxing sinasakyan namin ng mapansin ko na medyo may mali yata sa sitwasyon.. una, hindi ako dapat tumabi sa kanya sa likuran ng sasakyan dahil dapat sa unahan ako umupo katabi ng driver. bawas isang maginoo point kung tutuusin. awkward! ..pangalawa, nasa kaliwa ko s’ya at dun ko lang naalala na dun nakapuwesto sa kaliwang pisngi ko ‘yung tigyawat ko na apat na araw pa lang ang nakakalipas buhat ng nahinog.
kung magpapakalalim ako at isasalarawan ko ang tigyawat ko, ito ang tamang salita.. may garapata na gumagapang sa pisngi ko habang nasa initan ako, sinisipsip ng garapata ang dugo ko at sa sobrang kabusugan n’ya hindi n’ya na napansin na unti unti na s’yang tinutusta ng init ng araw. huli na ang lahat, hindi na s’ya naka alis sa puwesto n’ya. namatay s’ya dahil sa init ng araw at sa sobrang kabusugan.

“tapos na ang trabaho mo? pauwi ka na?”

naputol ang paglalaro ng garapata sa utak ko. sinigurado ko muna na walang nakasalpak na kung ano sa tenga n’ya para alam ko na ako ang pinapatungkulan ng dalawang magkasunod na tanong na ‘yun at hindi kung sino sa telepono n’ya. “tapos na, pauwi na ako” sabi ko.
ilang sandali din na napuno ng katahimikan ang loob ng sasakyan bago ko naisip na obligado din akong tanungin s’ya.. “ikaw ba?
kahapon pa daw s’ya walang pasok dahil pauwi na s’ya ng pilipinas bukas, may pupuntahan daw s’yang dating kasamahan sa trabaho na magpapadala ng kung ano sa kanya kaya s’ya andun.
muli, katahimikan..

“excited na akong umuwi”

boluntaryong pag amin n’ya na ang dating sa akin e inoobliga n’ya na naman akong magtanong kung kelan s’ya huling umuwi ng pilipinas. “anim na taon ako dito sa dubai, walang uwian” nakita ko sa gilid ng mata ko na nakatitig s’ya sa akin, hindi ko lang sigurado kung buong mukha ko ang tinitignan n’ya o ang tuyong garapata sa pisngi ko. “kinaya mo nga ang anim na taon e bakit uuwi ka pa?” may halong patawa pero pacute na tanong ko sa kanya..

“s’yempre andun ang pamilya ko, ang nanay at tatay ko at mga kapatid ko”

sa pagkakataon na ‘to ako naman ang nag obliga sa sarili ko na mag tanong “buti pumayag ang asawa mo na anim na taon kayong hindi magkita?” bulok na diskarte ng pangingisda, alam ko.

“wala nga akong boyfriend, asawa pa!”

sa tagal ko ng nabubuhay sa mundo, alam ko na imposibleng masaulado ko ang utak ng mga babae pero sa puntong ‘to alam ko ang pasikot sikot dito. walang babaeng magbibitaw ng linyang ganyan kung hindi s’ya interesado sa lalaking kaharap n’ya. hindi ko alam kung napansin n’ya ang pag angat ng kanang bahagi ng labi ko na kusa at inboluntaryong nagagawa ko madalas pag may naiisip akong mga bagay na alam kong hindi ko maikukuwento sa nanay ko pagkatapos.. o abala pa rin s’ya sa pag titig sa tuyong garapata sa pisngi ko. gusto kong itanong sa kanya kung saan s’ya nagta trabaho dito o kung gusto n’ya bang gumawa ng “kasalanan” bago s’ya umuwi ng pilipinas bukas pero pinigil ako ng pag tunog ng telepono sa bulsa ko.
hindi ko alam kung bakit dun ko lang naisip na nakakahiya na pala sa idad ko na mag lagay ng ringtone sa telepono ng isang chorus sa kanta mula sa isang rap na tagalog tungkol sa kung anong brutal na dadanasin ng mga rapper na gustong sumagupa at humadlang sa kanya. ang mahirap sa mga ringtone na ‘to halos hindi mo sila marinig pag inilalagay mo sila sa telepono mo at nag iisa ka lang sa kwarto mo pero halos makabasag eardrum naman sila pag nasa loob ka na ng opisina o nasa harap ng boss mo o nasa harap ng kung sinong babae na sinusubukan mong diskartehan.
hindi ko na sinubukang hugutin ang telepono mula sa bulsa ko para sagutin o icancel ang tawag dahil alam ko na mangangailangan pa ‘yun ng ibayong pwersa mula sa akin na magpaikot ikot mula sa kinauupuan ko, masikip ang taxi at masarap ang mga pagkain dito sa dubai. hinayaan ko na lang na ilang beses umulit ang tugtog at pinabayaan ko na lang na lamunin ako ng kahihiyan mula sa babaeng katabi ko.
isa sa hindi ko maintindihan sa mundong ‘to ‘yung pagkatapos ng isang round ng ring mula sa kabilang linya bago mo matanggap ‘yung busy signal bakit kailangan mo pang iredial ulit ‘yung tinatawagan mo? iniisip mo ba na baka nasa malayong lugar lang ‘yung tinatawagan mo na mula dun naririnig n’ya ‘yung tunog ng telepono n’ya pero kinakailangan n’ya pang tumakbo ng ilang milya bago n’ya masagot ‘yun? kabobohan.
naka apat na rounds yata ng tawag ‘yung nasa kabilang linya at ilang saglit lang na apak sa gas ng driver ng taxi at nakarating na ako sa dapat kong babaan. nakakain na ako ng miryenda at hapunan at nakailang yosi pero hindi pa rin nawawala sa isip ko ang pang hihinayang sa mga ilang daang “sana” at ilang libong posibilidad.
at ngayon lang, habang nag iisip ako kung papaano ko tatapusin ang entry ko na ‘to..
naisip ko na hindi ko man lang nakuha ang pangalan nung nakasabay ko sa taxi.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

6 thoughts on “sa taxi at ang garapata sa pisngi ko.”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s