grupo

sige, sa puntong ‘to kayo ang normal at ako ang hindi.
katulad n’yo din ako dati, madami din akong kaibigan na dinidipendehan at may grupong kinabibilangan. hindi ko alam kung kelan nagsimula na “puwersahan” kong sanayin ang sarili ko na kumawala sa “grupong” ‘yun at umiwas na idepende ang sarili ko sa iba. ang alam ko lang, nagsimula akong dumistansya sa iba nung natali ako sa isang relasyon na naglagay sa akin sa sitwasyon na kailangan kong pumili kung kaibigan o s’ya. walang paligsahang naganap, pinili ko kung ano ang mas mabigat sa dalawa. pero kung gaano naging kadali sa akin ‘yung desisyon na ‘yun naging napakahirap para sa akin ang ginawa kong unti unting pag iwas sa lahat. nagsimula na akong tumanggi sa bawat lakad ng grupo at nagumpisa na akong hindi tumugon sa mga obligasyon ko bilang kaibigan, sa mata ng lahat naging ako na si jon cabron na nangiiwan sa ere, walang pakisama.
hanggang sa unti unting dumalang ang mga imbitasyon na natatanggap ko mula sa kanila at tinanggap ko ‘yun bilang tagumpay para sa akin. hindi na ako nakukunsensya tuwing tatanggihan ko sila sa mga pagyayaya nila at hindi na ako naiistorbo sa pakikipag usap sa kanila sa telepono para makipag kuwentuhan habang lumilipad ang isip ko.
wala akong naramdaman na nakulangan ako nung nawala paisa isa ang mga kaibigan ko. pakiramdam ko lahat ng iyon isang tao lang ang katumbas, lahat ng ginagawa namin ng mga kaibigan ko kinayang gampanan ng iisang tao lang.
pero hindi din nagtagal bago ako napaso sa sariling apoy na ako ang nagsimula. kinagat ako ng lumang kasabihan na mali na paikutin mo ang mundo mo para sa isang tao lang. naging madalas ang away naming dalawa, naboringan s’yang basahin ang kuwentong ginagawa ko na kaming dalawa lang ang karakter. nagkaron s’ya ng bagong mga kaibigan at unti unti pero harap harapan akong ninanakawan ng oras ng mga ‘yun.

.. naging patas ako para sa mga dati kong kaibigan, wala akong inistorbo isa man sa kanila, literal na sinarili ko ang pag iisa ko.

pinilit kong pasukin ang grupong kinabibilangan n’ya pero nahirapan ako. hindi ko alam kung hindi na kase ako sanay mapabilang sa isang grupo o dahil likas na sa akin na hindi maging plastik. gusto kong hikaban ang bawat salita sa pangungusap na wala naman akong interes pero wala akong magagawa, kailangan kong makisama. pinilit kong ‘wag masuka sa mga matatabang na opinyon sa harapan ko, hindi ako kumontra kahit minsan. natutunan kong lumunok ng hindi ngumunguya.  sensitibo ang pakiramdam ko lalo na pag nasa isang sitwasyon ako na hindi ako kumportable. naramdaman ko na hindi ako tanggap sa grupong ‘yun. hindi ko alam kung dahil hindi pa sapat ang kaplastikan na ipinakita ko sa kanila o dahil sila ang hindi na kayang plastikin ako. mahirap itago ang amoy ng dighay mula sa pagkaing nakakasuya. sa pangalawang pagkakataon, muli na naman akong nawala sa isang grupo pero sa puntong  ‘to hindi ako ang dumistansya, ako ang inilaglag.

.. at ako naman ang inilagay sa timbangan at natalo sa pabigatan.

naging instrumento ang aksidenteng pagkikita namin ng isa sa mga dating kaibigan ko para malaman ng lahat ang pinagdaanan ko. muli akong nakatanggap ng paisa isang imbitasyon pero tinanggihan ko lahat ‘yun. hindi pa ako handang humarap sa tao at wala pa ako sa kundisyon para magkuwento. ayokong maipagkamali ang mga “ikaw kase” bilang sumbat imbis na paninisi. dumalang ulit ang mga imbitasyon.
sinubukan kong ituloy ang kuwentong nasimulan ko kahit wala ng ibang karakter kundi ako na lang. madalas na nauuwi lang sa pag iinom ng nag iisa ang mga unang beses na sinubukan kong lumabas ng walang kasama. totoong malungkot mag isa. mahirap gumawa ng kuwento kung wala kang kabatuhan ng mga salita.
pero nakakasanayan din ang kalungkutan, naramdaman ko na lang na hinahanap na ng sistema ko ang pag iinom ng mag isa o ang paglabas ng walang ibang kasama. may isa o dalawang beses ko rin sinubukang pakiramdaman kung papaano mapabilang ulit sa grupong pinanggalingan ko pero hindi na ako naging masaya katulad ng dati. pakiramdam ko sobrang dami na nilang pinagdaanan na wala ako kaya hindi na ako makasabay sa kuwentuhan. nasuya na naman ako sa putaheng nakahain sa harapan ko, masyadong maraming betsin, nakakahilo.
ipokrito ako kung sasabihin ko na mas masaya ako ngayon na nag iisa kesa dati, pero sa totoo lang mas kuntento ako ngayon. hindi man kasing saya ng dati ang ngayon ko, hindi naman ibig sabihin nun na malungkot na ako. napatunayan ko na masarap din naman kasama ang pag iisa kung makakasanayan mo lang pakisamahan ‘yun.

totoong mahirap gumawa ng kuwento kung nag iisa ka lang na karakter sa loob nun pero pag wala kang kasama mas makokontrol mo ang takbo ng istorya sa paraang gusto mo.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

7 thoughts on “grupo”

  1. Maniwala man o sa hindi ang mga dati kong nakakasama, sanay na ako na wala sila. Pagdudahan man nila yung nararamdaman ko, basta ang alam ko e mas masaya ngayon na hindi ako nakatatanggap ng rejection. Tropa=rejection

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s