sa tren

ilang minuto ko na rin siguro s’yang katabing nakatayo sa tren na ‘yun bago ko naramdaman ang presensya n’ya. hindi ko alam kung ako ba ang naunang sumakay sa tren o dinatnan ko na s’ya dun. ganun kase ako pag bumibiyahe, wala akong pakialam sa paligid basta nakasalpak sa tenga ko ‘yung earfone na pinapagana ng player sa bulsa ko. hindi ko rin ugaling tumingin sa mga nakakasalubong ko pag naglalakad ako, kung sakaling aksidenteng mapatingin man ako sa mukha ng kaharap ko.. tagusan. sabi nga nung dating kasama ko sa bahay pag naglalakad daw ako sa kalye para daw akong laging may iniisip o may pinagdadaanang isang mapait na diborsyo.
abala ako sa pagsayaw ng tahimik gamit ang kanang tuhod ko habang sumasabay sa tugtugin ng biglang may malamig at mamasa masang kamay ang kumapit sa  may siko ko. may isang babaeng nasurpresa sa pagliko ng tren at dala ng pagkabigla n’ya nawalan s’ya ng pagpipilian kundi humawak sa pinakamalapit na sikong makakapa n’ya .. at ako naman dahil sa pagkabigla, otomatik na napakapit ako sa kamay na ‘yun. sa may pulso. humingi naman s’ya agad ng paumanhin nung nabawi n’ya na ang panimbang n’ya at mabilis din naman ang reaksyon ng katawan ko para bitawan na ang kamay n’ya. sabi ko, ok lang..
nagpatuloy ang byahe hanggang nakakuha na s’ya ng upuan mula sa tumayong pakistani na amoy ulam. ilang minuto pa ang dumaan at ilang istasyon pa ang nadaanan namin pero pakiramdam ko sa aming dalawa ako na lang ang naiwang apektado sa aksidenteng pagkakadikit ng kapirasong balat namin. habang tinititigan ko s’ya kasabay ng napakaraming “ano kaya kung” na mala langaw na nagdadapuan sa utak at puson ko, ayun s’ya at nagpupunas ng gilid ng ilong n’ya gamit ang panyo n’ya.
sa opisina s’ya nagtatrabaho base na rin sa suot n’ya pero kung pagbabasehan ko ang kilos n’ya hindi s’ya mukhang ganun kaismarte, pupusta ako ng limang piso at mananalo ‘yun ng triple kung ilalagay ko ‘yun sa kahon na may nakasulat na “hindi s’ya kahit kailan naging isa sa maliliwanag na ilaw ng silid aralan” mukha lang s’yang isang tipikal na babaeng may itsura sa hayskul, pumapasa dahil tahimik at walang bumabastos dahil syota ng siga.
kinapa ko ang puso ko at may nasalat akong posibilidad na magustuhan ko s’ya sa kung saang sulok nun, posibilidad na maaaring pag umpisahan ng isang relasyon kung magkakaroon ng tugon at posibilidad na sa mga susunod na b’yahe ng tren wala ng posibilidad na masurpresa s’ya sa biglang pagliko nun dahil sa pakiramdam na ligtas s’ya sa kahit na anong panganib habang naka dantay s’ya sa dibdib ko.  nakatitig pa rin ako sa kanya habang walang kamali malisya n’yang ipinasok ang hintuturo n’ya sa loob ng kanang tenga n’ya sabay parang nasisiraan ng bait na kinamot ang loob nun. sa marahas ng pag uga ng buong katawan n’ya iisipin mo na sinasabunutan at pinagwawagwagan n’ya ang ulo n’ya gamit ang buhok n’ya sa tenga. sa totoo, napangiwi ako at medyo naasiwa pero anong magagawa ko sabi ko pa sa sarili ko.. kung sa ganun s’ya kumportable.
matapos n’yang gawin ‘yun tumingin s’ya sa kabilang parte ng train, salungat sa pwesto ko.. tinignan n’ya ng mabilis bawat mukha ng pasahero at inulit n’ya ‘yun sa isang bahagi ng train kung saan ako nakatayong nagmamasid sa kanya, mabilis na umiwas ako ng tingin at nagkunyaring may kino compute na kung ano gamit ang mga daliri ko.

at nung tapunan ko ulit s’ya ng tingin,

mariin n’yang sinisinghot ang hintuturo n’ya.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

5 thoughts on “sa tren”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s