muntik na akong mabugbog

kung sisimulan ko sa may gitna ang kwento ko, iisipin mong kinuha ko ito mula sa isang maaksyong pelikula.

tumaas ang balikat ko sa gulat nung narinig ko ang puno ng galit na sigaw na nagmula ilang hakbang ang layo sa may likuran ko, otomatikong itinigil ko sa gitna ang ginagawa ko.. naibulong ko sa sarili ko tangina, huli! pinipilit kong ‘wag mataranta at pinupuwersa ko ang sarili ko na humugot ng diskarte mula sa mga dati ko ng karanasan sa mga kumprontasyon na ganito. hindi ka dapat basta tumakbo dahil likas sa tao ang humabol pag may tumatakbo, instinct. pumihit ako paharap habang naglalakad ng patalikod palayo sa kanya ng dahan dahan. dinuduro n’ya ako habang patuloy ang pagsigaw ng lengguwaheng hindi ko maintindihan ilang hakbang ang layo mula sa harapan ko. naka limang hakbang pa ako ulit patalikod bago ko napagpasyahang gamitin ang karapatan kong tumakbo ng papalayo, wala na akong pakialam sa intinct n’yang humabol.. tao lang ako at karapatan kong tumakbo papalayo pag natatakot na ako.. ng walang lingunan.
malayu layo din ang inikutan ko bago ko nakumbinsi ang sarili ko na nailigaw ko na s’ya. hindi s’ya mananalo ng paghabol sa akin, pabigat sa paa ang galit mo habang humahabol ka at para namang gulong sa magkabilang paa ang takot at kaba pag ikaw ang hinahabol. kailangan kong bumalik sa sasakyan.
wala pa rin ang boss ko na nag iwan sa akin sa sasakyan kanina, nakahinga ako ng maluwag.. mariin at matibay ang bilin n’ya na ‘wag kong iiwan ang sasakyan dahil bawal sa pinagparadahan n’ya, pag may sumita sasabihin ko lang na saglit lang at may binili lang ang driver. tawagan ko daw agad s’ya pag may sumita. nakatayo ako sa gilid ng sasakyan at naninigarilyo ng may napansin akong pamilyar na mukha sa may eskinitang pinasukan ko kanina, andun ‘yung mamang humabol sa akin kanina at hindi s’ya nag iisa ngayon, tatlo sila.. tatlong indiano na negro.
mabilis ang hakbang na ginawa ko pero maingat, payuko akong pumasok mula sa pinto ng driver’s seat sabay gapang papunta sa likod na upuan ng kotse. para akong uod na nagkasya sa maliit na espasyo ng magkabilang upuan at parang may parada ng nerbyos sa dibdib ko nung mga oras na ‘yun. nakahiga ako habang nakataas ang ulo kong pinagmamasdan ang bawat galaw nila. punum puno ng laway ang bibig ko dahil hindi ako makalunok sa sobrang kaba. may kung ilang minuto pa bago sila sumukong makikita  nila ako.
naghintay pa ako ng ilang minuto ulit bago dumating ang boss ko na nagulat kung bakit ako nakahiga dun. pero naunahan ng buka ng bibig n’ya para magtanong ang pabulong na sigaw ko ng “bilisan mo at kailangan nating maka alis agad dito” natataranta at puno ng pagtataka ang boss ko habang matulin n’yang pinasibat ang sasakyan.

ang umpisa ng kuwento.

habang sakay ako ng kotse ng boss ko, panay ang lingon ko sa kaliwa at kanan dahil inutusan n’ya ako na hanapin sa dinadaanan namin ang isang partikular na travel agency. nakailang daan na rin kami sa lugar na ‘yun at ilang beses na rin kaming naligaw sa ibang lugar na sinuotan namin kaya ramdam ko ang tensyon sa loob ng sasakyan na lalong nagpatindi sa bigat na nararamdaman ko sa puson ko. kanina pa ako ihing ihi bago pa kami magkita ng boss ko, nagkamali ako ng tantya na madali lang siguro naming makikita ang hahanapin namin at malamang naman may banyo dun, kaya ko pa naman sigurong mag tiis. may isang oras at kalahati na yata kaming paikot ikot sa lugar na ‘yun, nanginginig na ang paa ko. napansin ng boss ko ‘yun kaya tinanong n’ya ako kung anong problema, sinagot ko s’ya na naiihi na ako pero sige lang.. kaya ko pa. pinangakuan n’ya ako na saglit lang naman daw basta makita n’ya lang ‘yung travel agency na hinahanap namin at binigyan n’ya ako ng pag asa na malamang nga may banyo naman dun. pero nangyari ang hindi inaasahan na malimit naman talagang mangyari, walang paparadahan sa lugar na ‘yun na malapit sa hinahanap namin, kailangan n’yang pumarada sa maling daan at tumakbo papatawid para pumasok sa loob ng opisina na ‘yun.. obligado akong maiwan sa loob ng sasakyan para magsinungaling sa maninita dun.
dumating ako sa punto na hindi ko na kaya talagang dalhin ang bigat ng pantog ko. binilang ko ang basyong bote ng mineral water sa loob ng sasakyan, dalawa. sigurado akong hindi aabot, aapaw ‘yun baka hindi pa ako nangangalahati. tumingin ako sa paligid, mukhang wala namang pulis.. lakas loob kong iniwan ang sasakyan na pinapabantayan sa akin para paika ikang tumakbo sa mamang nakatayo sa may mataas na paupahang bahay na ‘yun. pautal utal akong nagtanong kung saan may malapit na banyo, wala daw. pumasok ako sa isang maliit na groserya, wala din daw.. pumasok ako sa loob ng building na ‘yun at nakahinga ako ng maluwag dahil nung tinanong ko ang isang mama sa loob nun, may itinuro s’yang isang lugar sa akin dun daw ako pumunta, pero laking dismaya ko na ‘yung lugar na itinuro n’ya sa akin ay reception area para ng paupahan, kumbaga itinuro n’ya ako dun para dun ako magtanong.. sa ibang banda, tama nga naman s’ya pero sa mas ibang banda gusto ko s’yang bayagan. wala na akong mapag pipilian pakiramdam ko butas na ang pantog ko at pag tinanggal ko ang hinlalaki at hintuturo kong nakakurot sa kung anong bahagi ng katawan ko na ‘to e lalabas at aagos ang dugo at ihi sa binti ko.
pinili ko ang pinakadulong pinto dahil iyon ang pinakamadilim na bahagi ng building na ‘yun. halos hindi ko pa naibababa ng buo ang zipper ng pantalon ko pero nagsisimula na akong umihi. napakasarap sa pakiramdam, parang may mga alitaptap na nagliparan sa paligid ko at nagsipag dapuan sa singit at puson ko. obligadong binasa ko ng dila ko ang taas at ibaba ng labi ko para preparasyon sana sa pagsipol… ng ginulat nga ako ng isang sigaw mula sa likuran ko.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

10 thoughts on “muntik na akong mabugbog”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s