sa mga kapwa ko pasahero sa bus na ‘yun nung biyernes

kung bumyahe ka din mula maynila papuntang alabang nung nakaraang biyernes mga bandang alas diyes ng gabi, alam mo kung anong senaryo ng ikukwento ko. at kung nasa pareho tayo ng kalagayan nung mga oras na ‘yun, tanggapin mo ang mainit na yakap at masuyong tapik sa balikat mo mula sa akin.
bihira iyong ganun na sa taas pa lang ng skyway at halos kakaakyat pa lang ng bus na sinasakyan mo e dadanasin mo na ang haba ng trapik na ganun, palatandaan ng sobrang mas trapik pang susuungin mo sa ibaba ng kalsada.
at sa tunay na istorya ng buhay bihira kang hahainan ng ganun kahabang trapik kung normal ang tiyan mo, o pwedeng ako lang ‘yun. idiniin ko ang pagpikit ko ng mata at taimtim na nagdasal. nagpasalamat, nagmakaawa, at nakipagkasundo pero babahagya lang nawala ang bigat na nararamdaman ko. sinubukan kong lokohin ang sarili ko na konti na lang at malapit na ‘kong makauwi pero hindi ko alam kung dahil sa hindi naman ako ganun katanga talaga o talaga lang hindi ako magaling magsinungaling kaya hindi ko makumbinsi ang sarili ko sa tuwing lilingon ako sa labas ng bintana. pabagal ng pabagal ang pagitan ng pagtakbo ng sasakyan mula sa pagtigil nito at dumating ako sa puntong pati laway ko hindi ko na malunok dahil sa takot na baka magmistulang nuclear bomb ito sa loob ng tiyan ko. naalala ko ang nabasa kong teknik sa isang website dati, sa mga panahon daw na nawawalan ka na ng pag asa subukan mong mag isip ng mga masasayang tagpo nung bata ka pa.. wala akong maisip at wala akong mapaghugutan kaya nag imbento na lang ako.
“kunyari daw hindi isang seaman ang tatay ko kundi isang inhinyero sa isang malaking kumpanya dito sa pilipinas, araw daw ng linggo ‘yun kaya wala s’yang pasok sa opisina, grade 5 daw ako kunyari at ipinasyal n’ya ako sa luneta. habang kalung kalong n’ya ako sa balikat n’ya kumakain daw ako ng ice cream na binili namin habang naglalakad kami. tapos dinala n’ya ako sa nagtitinda ng lobo at bumili s’ya ng isa, ‘yung kulay pula. para sa akin po ba ito? oo, bunso. ipinulupot n’ya ang tali ng lobo sa kanang kamay ko at ginulo n’ya ang buhok ko. naglakad na raw kami ulit at dun sa may upuan sa hindi kalayuan nakita ko ang nanay at kuya kong masayang nagpapalipad ng saranggola.”
… wala kahit konting naitulong ang kwentong ‘yan sa nararamdaman ko. nasuka pa ako ng konti sa senaryong naimbento ko. naisip kong ipagpatuloy ang pagdadasal, pinalamutian ko ng todo ang pasasalamat, sinamahan ng luha ang pagmamakaawa, at pinabigat ang kasunduan. at naniniwala akong malaki ang naging tulong nun dahil kasabay ng pagdilat ng mata ko lumuwag na ang daloy ng mga sasakyan. napansin kong hindi lang ako ang nakahinga ng maluwag, nakita ko sa mata ng matanda sa harapan ko ang hindi masukat na ligaya, sa  mukha ng lalaki sa kabilang upuan ang liwanag, at sabay sabay na nagtatanguan ang mga ulo ng mga pasahero tuwing magsasalubong ang mga mata nila tanda ng pagtatapos ng delubyo. gusto kong tumayo sa harapan ng bus para akuin ang kredito ng tagumpay, gusto kong ipaalam sa kanila na ako ang susi kung bakit kami nakaraos sa pagsubok na ‘yun. hindi man direkta pero kahit papano nadamay na rin sila sa dasal ko.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

3 thoughts on “sa mga kapwa ko pasahero sa bus na ‘yun nung biyernes”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s