nokia 5110 at ang babaeng kasama ng matabang maputi at hindi matangkad

nauna lang siguro ako ng ilang hinto bago sila sumakay sa mismong bus na kinauupuan ko. pero dahil halos lahat ng pauwi nung mga oras na ‘yun ay umiiwas na abutan ng putukan sa byahe wala na silang dinatnan na bakanteng upuan. dalawa sila ng boypren n’ya sa may labintatlo sigurong nakatayo sa bus na ‘yun. sa may bintana pa lang bago s’ya sumakay namukhaan ko na agad s’ya, dun pa lang alam ko na agad na karelasyon n’ya ‘yung kasama n’ya base na rin sa pag alalay nito sa kanya para makapanhik ng bus.
kaibigan s’ya ng gelpren ng tropa ko dati. mabilis na kwento, nagkita kami sa senakulo, nagkakilala at nauwi sa isang relasyon na nagtapos dahil hindi ako sumipot nung magtatagpo dapat kami sa simbang gabi kaya pinagpalit n’ya ko sa pinsan ng kaibigan ko. lumipas ang may kung ilang taon din bago kami nagkita ulit. marami ng nagbago, hindi rin sila tumagal nung pinsan ng kaibigan ko, kolehiyala s’ya nun sa isang magandang eskuwelahan sa maynila, at ako ay isang dakilang tambay. napagpasyahan ko na tumigil muna sa pag aaral pagkatapos ko ng hayskul, masyado kase akong nahirapang maka graduate kaya nawala sa isip ko na kailangan ko pa lang pagplanuhan at pakiramdaman ang sarili ko kung ano ba talaga ang kukuhanin kong kurso. hindi ko naman kase alam na pag malaki ka na pala hindi na kikilalanin ng mga tao sa paligid mo ‘yung isinagot mo nung bata ka pa na kung ano ang gusto mong maging paglaki mo. astronaut na sana ako ngayon.
nagkaron pa kami ng isang maikling relasyon pagkatapos n’un na nauwi din sa wala. ang dahilan, binigyan s’ya ng isang pagsubok ng nanay n’ya na mukhang sa palagay n’ya hindi na kailangan pang pag isipan. makipaghiwalay s’ya sa akin at ibibili s’ya ng nanay n’ya ng nokia 5110. no contest.
at nung gabing ‘yun nga sa bus habang matuling nakikipag laban ang sinasakyan naming bus sa mabagal na agos ng trapik sa kalsada at habang sinasampal ako ng hangin na nagmumula sa labas ng bintanang kinauupuan ko tahimik ko silang pinagmamasdan ng boyfriend n’ya, halata ang pagod sa mukha ng babaeng minsan ko ding minahal habang nakasandal ang ulo n’ya sa lalaking iyon na mataba, maputi, at hindi matangkad.
naisip ko ano kaya kung may nokia 5110 na nung panahon na nagtae ako pagkagising ko ng madaling araw na ‘yun para sana makipagyakapan sa kanya sa simbahan? malamang naabisuhan ko s’ya na hindi ako makakasama sa kanila, wala sanang gulo. o ano kaya kung wala pang nokia 5110 nung muli kaming nagtagpo? wala sigurong piliang naganap.
naisip ko rin, kami pa siguro sana ngayon at malamang hindi n’ya mararanasang tumayo sa bus sa piling ko..

.. may alam akong terminal sa may buendia.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

4 thoughts on “nokia 5110 at ang babaeng kasama ng matabang maputi at hindi matangkad”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s