andito na ang tatay ko

umuwi na ang tatay ko galing sa paglalayag sa dagat. tanghali ako gumising nung araw na ‘yun, kumpleto naman ang tulog ko pero pinipilit ko pa rin matulog dahil ayokong salubungin s’ya sa pinto. nahihiya ako, parang pakiramdam ko ang isip bata nung ganun.
nung pakiramdam ko parang uuudin na ‘yung mata ko kakapikit, naglibang muna ako sa harap ng internet. pero patingin tingin pa rin ako sa oras, parang antagal naman nila, ang rinig ko alas tres ang baba ng eroplano so dapat mga alas kwatro trenta andito na sila ah.
narinig kong nagkagulo na sa kabila, andun na malamang ‘yung balikbayan. nagpalipas pa ako ng thirty minutes bago kunyari nauhaw ako at kailangan kong uminom dun sa bahay nila. sakto, habang umiinom ako ng tubig lumabas s’ya galing cr.. tinangka n’yang yakapin ako at halikan sa pisngi habang sumisigaw s’ya ng joooooon! pero nakahulagpos ako at nagsara sa bahay namin. napahiya pa ako dahil hindi naman pala n’ya ako hinabol.
kinabukasan, maaga akong gumising. pasilip silip ako sa kabilang bahay. parang hindi ko yata naririnig at nakikita ang tatay ko. nahihiya naman akong magtanong sa nanay ko baka sabihin papansin ako o kaya nangungulila sa pagmamahal ng ama. naghintay ako ng tyempo, tapos nung pumasok ang nanay ko sa cr, sinilip ko ‘yung sapatusan namin kung andun ‘yung sapatos ng tatay ko… wala. kumpirmadong umalis, nag report siguro sa opisina. nanakbo ako nung bigla kong narinig na bumukas ang pinto ng banyo, paglabas ng nanay ko andun na ako sa lalagyan ng mga cd.. kunyari nagpapagpag lang ako ng alikabok dun.
buong araw kaming hindi ulit nakapag usap dahil hindi na ako nakalabas ng bahay maghapon nun dahil sa sakit ng tiyan. tuwing dumadaan sa kwarto si polin sinasabi ko sa kanya na masakit ang tiyan ko baka sakaling banggitin n’ya sa tatay ko at baka sakaling bisitahin ako sa kwarto. pero hindi nangyari ‘yun, nainis ako ng konti sa anak ko.
tuwing gigising ako, nagko computer muna ako. hinihintay kong sigawan nila ako para mag almusal pero walang ganun na naganap. pero tinatawag naman nila ako pag tanghalian na. pero gusto ko sana nakakandong ako sa tatay ko habang pinapakain n’ya ako pero inuunahan ako lagi nung anak ng kapatid ko na tatlong taon, papansin.
ilang araw na s’ya dito pero hindi pa kami nakakapag usap ng masinsinan. hanggang sa nat’yempuhan ko s’ya isang gabi na naninigarilyo sa may garahe. nagipon muna ako ng lakas ng loob para lapitan s’ya. inacknowledge n’ya naman ang presensya ko sa pamamagitan ng pag tango. nagsindi s’ya ulit ng yosi, kumuha ako sa kaha n’ya nagsindi din ako. nakaramdam ako ng pagkailang, ten minutes na siguro ang nakakalipas pero wala man lang nagsasalita sa aming dalawa. wala man lang naglalakas loob magbukas ng pag uusapan.  nawalan na ako ng pag asa, patayo na ako nung tumingin s’ya sa akin at nagtanong kaya napaupo ulit ako. at ang kauna unahan n’yang isang buong pangungusap mula nung umuwi s’ya na patungkol sa akin “kamusta ka na?” sinagot ko s’ya andami kong sakit nung last na medical sa trabaho namin. meron akong scolio, mataas sugar ko tsaka uric acid, cholesterol, tapos high blood ako. wala s’yang reaksyon, pagtingin ko nagbabasa s’ya ng dyaryo. taragis. nagsindi ako ulit ng sigarilyo sabay tayo, suko na ako talaga. bago ako pumasok ng bahay narinig kong tinawag n’ya ang pangalan ko. sinamsam ko ulit ang banderang puti na inilatag ko kanina lang.. tinanong ko kung bakit n’ya ako tinatawag, “wag kang pumasok sa bahay ng may sigarilyo ka alam mong may mga bata d’yan, anong klaseng sistema mo ‘yan?”
kinabukasan nun natyempuhan ko ulit s’ya, lumabas lang ako para bumili sa tindahan ng sigarilyo tapos nadaanan ko s’ya sa may terrace namin. tinawag n’ya ako, nahirapan akong ikubli ang ngiti sa bibig ko bago ako humarap sa kanya. tinanong n’ya ako kung bakit daw ‘di ako naglalalabas at bakit hindi ako pumapasok, sabi ko masakit ang tiyan ko. kung nakita ko na raw ba ‘yung pasalubong n’ya sa akin… pakiramdam ko maglalaglagan ang mga ngipin ko kung pipigilan ko pa ang ngiti ko sa mga oras na ‘yun. sabi n’ya saglit lang, pumasok s’ya sa bahay at naupo ako sa inuupuan n’ya kanina habang naninigarilyo, narinig ko sa loob na naghahalungkat s’ya andaming gamit na naiimagine kong kumakalat pag hinahawi n’ya ‘yung box para hanapin ‘yung kung ano mang simbolo ng pagmamahal ng isang ama na pasalubong n’ya sa akin.
umayos ako ng upo at pinatay ko ‘yung sigarilyo ko sa ashtray nung nakita ko na ‘yung anino n’ya sa screen ng pinto. paglabas n’ya may tinatago s’ya sa likod n’ya “ingatan mo ‘to, mahal ang bili ko dito” napatango lang ako at napangiti. hindi ko alam kung nahihiya ba ako sa senaryong ganun ng isang anak at isang ama na parang nasa komiks o nahihiya ako dahil ramdam ko na namumula ang pisngi ko. tapos dahan dahan n’yang inilabas ang kamay n’ya sabay sigaw ng “catch!” at matulin kong sinalo ang pasalubong n’ya sa akin na bonnet.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

7 thoughts on “andito na ang tatay ko”

  1. ang gandang pasalubong..magagamit mo yan ngaun kase mejo malamig lamig ang panahon..hehehe^^

    pero buti ka pa may pagkakataon ka pa na makipagusap sa ama mo😦 ,kaya habang may pagkakataon ka sabihin mo na ung mga gusto mong sabihin sa kanya.kaya go na kaya mo yan!sabihin mo sa kanya lahat kung may hinanakit ka yung pangungulila mo sa kanya nung mga panahong wala sya for sure after nun gagaan na ung pakiramdam mo at panigurado magiging maganda na yung samahan nyo.

  2. close ka sa tatay mo nuon no? tas nung nagtrabaho sya sa malayo, nagkaroon ka ng hinanakit sa kanya dahil palagi syang wala? no? k.thnx.

    P.S.

    sosyal ang pasalubong nya sayo. baka nga mamahalin😛

  3. honga, parang nung last tym yung keychain na mukang ipis di ba?

    pero parang bitin ako sa drama ng istorya mo, di ko alam kung sadyang chismosa lang ako pero maraming tanong ang namuo sa kakapiraso kong utak…

    pero iba talaga ang mga lalake, mas madalas, di nakukuha sa salitaan ang mga gustong sabihin at nagkaka intindihan na, kaso nga lang, parang mas prone na di magka intindihan pag ganun di ba? kaya minsan, it wudnt hurt na sabihin kung ano ano ang nararamdaman… hanggang di pa huli ang lahat……🙄

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s