overpass

sobrang lakas ang ulan nung isang araw. habang nasa bus ako pauwi parang gusto kong magsisi kung bakit ko pa pinahiram ‘yung payong ko dun sa babae sa personnel nung gabing ‘yun. tinanong n’ya ako kung papano ako bukas? tiwala akong sumagot, ok lang ‘yan pakiramdam ko naman hindi na uulan bukas. at eto ako ngayon, ginaw na ginaw sa loob ng bus at namumroblema kung paano ako pagbaba ko sa alabang. badtrip unang araw pa naman kagabi na sinuot ko ‘yung bagong sapatos ko, mabababad lang sa ulanan. naninibago ang paa ko sa bagong sapatos na ‘yun pakiramdam ko lagi akong matatalisod.
trapik pa pota! mabasa lang ng konti ang kalsada trapik na, putarages! nagugutom na ako, kakaisang oras lang pagkatapos kong kumain ng dalawang manok sa bucket na pinadeliver namin sa opisina pero pakiramdam ko nahihilo na ako sa gutom. pag ganitong ipit ka sa trapik dapat kang magpasalamat pag nagugutom ka, ibig sabihin lang nun imposibleng matae ka. matitiis ang kalam ng sikmura dahil sa gutom pero hindi ang pagtatae. may naimbento akong mabilis at panandaliang lunas sa gutom sa byahe, kailangan mo lang ng babolgum. ngunguyain mo ng mabilis ang chewing gum mo pero hindi ka lulunok ng laway iipunin mo. pag pakiramdam mo puno na ng laway ang bibig mo, uunti untiin mong lunukin ‘yun. epektibo ‘yan maniwala ka dahil sinabi ko. ‘yun nga lang kailangan mong ulitin ‘yan pagkatapos ng kinse minuto dahil hanggang ganun lang ang bisa n’yan. sa wakas nakarating din sa alabang ‘yung bus pero anlakas pa rin ng ulan. yari pa rin ako pagbaba ko  mabuti na lang iba na ang dinadaanan ng bus ngayon, dun na sa parang mall na maliit, may bubong. malas lang dahil medyo kapos ‘yung pagtigil ng bus sa may mismong bubong kaya basa pa rin ako. ramdam ko na pati loob ng sapatos ko basa.
antagal kong nakatayo sa may labas nung parang mall. anlayo ng overpass na p’wede kong daanan para makatawid sa sakayan ng jeep. nababasa din ako sa pwesto ko dahil tinatangay ng hangin ‘yung ulan. sa sobrang tagal kong nakatunganga at naghihintay na bumababa si baby jesas para sakluban ako ng pagmamahal n’ya laban sa ulan dun ko lang napansin na wala na pala ‘yung mga kabatch kong sumilong sa kapirasong bubong na ‘yun, iba ibang muka na ‘yung mga katabi ko. dun ko lang din napansin na basang basa na ‘yung suot ko. tsk ansagwa pa naman mabasa ng light brown na polo.
gusto ko ng takbuhin at sagupain ang ulan katulad ng mga ibang matatapang na nakatabi ko pero duda ako sa sapatos ko natatakot akong matalisod. mahigit isang oras na ako sa pwesto ko, nakailang batch pa ako ng mga nakatabi, natuyo at nabasa na ulit ako ng paulit ulit bago ko napansin ang lihim na daan na ‘yun. pag pumasok pala ako ulit sa mall meron dun isang daan na kunektado sa overpass na dadaanan ko. ayos!
habang mag isang naglalakad sa lihim na daan na ‘yun nilingon ko pa ‘yung pinuwestuhan ko kanina andami pa rin tao. sinungaling ako pag sinabi ko na hindi ko binalak kawayan ‘yung mga stranded na ‘yun sabay sisigaw ako ng losers.
angat ang dibdib na narating ko ang overpass na magiging susi sa pagtawid ko. proud na proud sa sarili sa nadiskubre kong daan. pero may isa pa akong bagay na nadiskubre, napakadulas ng bago kong sapatos pag basa at marmol ang nilalakaran. bigla kong naramdaman ang ginaw at nagsimula akong pawisan. hindi talaga ako makalakad ng maayos. alam mo ‘yung pag bago pa lang nag a ice skating? ganun. pakiramdam ko maghihiwalay ang mga paa ko sa dulas. maingat kong dinala ang sarili ko sa may hawakan ng tulay, kailangan ko ng makakapitan pinagtitinginan na ako ng mga tao. tangenang sapatos ko tumutunog pa na parang pinipigang basang basahan pag humahakbang ako. pumapasok sa katawan ko ang lamig ng bakal na hawakan at basang basa na rin ako dahil sa ampyas ng ulan pero wala akong pakelam, isa lang ang nasa isip ko kailangan kong marating ang dulo ng tulay na ‘yun para matapos ang paghihirap ko. ako lang ang nasa side na ‘yun dahil umiiwas ang mga tao sa ampyas ng ulan kaya lalong pansin ang presensya ko dun. isang matabang maliit at maputi na lalaki na basang basa at nagdudumulas sa paglakad. nang bigla sa kung saan pakiramdam ko nahawi ang mga taong nakakasalubong ko sa paglitaw ng isang pamilyar na mukha. maniwala ka sa akin na isa sa pinaka hindi mo magugustuhan na makasalubong at makakita sa’yo sa ganung sitwasyon ang pinsan mo na ilang taon mo ng hindi kapansinan matapos ka n’yang insultuhin dati. naka magandang jacket s’ya ‘yung itim na parang pag nasa call center ka nagtatrabaho obligado kang isuot ‘yun at ayos na ayos ang buhok sa gel. nagsalubong ang mga mata namin at nauna akong magbaba ng tingin matapos kong maaninag ang ngiti sa sulok ng labi n’ya. pag lingon ko sa kanya pag lagpas n’ya sa akin, nakalingon pa rin s’ya. naawa ako sa kalagayan ko sa ulanan at nangangalahati pa lang ako. hanggang ngayon nagsisisi pa ako kung bakit di ko s’ya sinuntok nung gabing ‘yun.

dsc00215

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

4 thoughts on “overpass”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s