dear sir sa pinapasukan kong kumpanya

Dear sir,
medyo mahaba po. paumahin.
sa alabang pa lang bago umalis ‘yung bus naramdaman ko na ang pamilyar na pakiramdam na ‘yun. gusto ko ng bumaba, gusto ko ng umatras pero late na ako, gusto ko ng mamatay muna. isinara ko ang bintana ng bus para umiwas sa hangin matapos pumalya ang naisip ko na pag hindi ako lumunok ng laway hindi ako matatae dahil hindi ko malalasahan ang kinain kong hapunan. umaambon sa labas ng sasakyan pero tumutulo ang pawis sa noo ko at nabibilang ko sila. hinubad ko ang rosaryong pulseras ko para magrosaryo, andami kong ipinangako sa kanya kapalit ng paglaya sa pakiramdam na ‘yun. kung eksaktong nagunaw ang mundo sa mismong oras na ‘yun hindi ako magtataka kung isa ako sa mga uunahin n’yang haplusin at kawayan para sumama sa kanya sa paraiso sa sobrang pagkarelihiyoso ko nung mga oras na ‘yun.
gusto kong bumaba sa gitna ng expressway pero imposible ‘yun. gusto kong sumigaw ng kunyari hindi ako makahinga para lang pumayag silang bumaba ako tapos magpapasagasa na lang ako sa mga dumadaang sasakyan. naiisip ko na ang balita kinabukasan “matabang lalaking maputi, nahagip ng sasakyan sa expressway napatae sa sakit ng pagkakabundol” hindi na masama.
hindi na bago sa akin ang senaryong ‘yan at maniwala ka sa akin na hindi nangyayari sa mundong ito ang kumbinasyon ng natatae ka sa kalsada habang nakasakay ka sa pampublikong sasakyan na sobrang bilis. walang ganun’ laging matitiyempo ka talaga sa sasakyan na napakabagal, ganun naka program ang buhay dito sa mundo. nasa skyway na kami nung naisipan ko ng bumibigay. gusto ko ng ilabas lahat lahat, bahala na. iibahin ko na lang ang daan ko sa mga susunod na gabi. pero nagtiis pa rin ako, kasabay ng pag iisip ko ng mga estabilisimento na p’wede kong pakiusapan pag baba ko ng bus o ng mga bakanteng lote na hindi masyadong daanan ng mga tao kung sakaling pumalya ang lahat. hindi nakakatulong ang makita mo ang dilim ng skyway at haba ng kalsadang tinatahak n’yo, lalong naging napakalayo ng pakiramdam ko sa opisina ko at sa alabang.
takbo agad ako pagbaba ko ng bus, hindi ko na nahintay tumigil ang bus sa mismong intersection na binababaan ko. nakakita ako ng tambay, nakiusap ako at itinuro nila sa akin ang isang car wash sa di kalayuan. may nagiinom sa tindahaan sa loob ng car wash, at ang pupuwestuhan ko, sa mismong harap nila at walang pantakip man lang. takbo na naman ako palayo, blanko na ang isip ko. may nakita akong nagdadaan, nakiusap ulit ako at itinuro n’ya ako sa isang talyer na walang tao pero may cr, may panakip na kurtina pero walang tubig at may laman na ‘yung inidoro. takbo na naman ako, hindi na ako nagpasalamat at nagpaalam sa lalaking ‘yun. wala akong pakelam kahit sabihin n’yang choosy ako. hindi ko kaya talaga.
tumawid ako, nakiusap sa isang gwardya ng kainan pero wala daw s’yang susi sa loob. may nakita akong parlor na may baklang nakaupo sa plastic na upuan pero natakot akong magkaron ng utang na loob sa kanya at maobligang bayaran ‘yun. sumakay ako ng jeep palayo pero ilang arangkada pa lang ng drayber, naramdaman ko na naman ang matinding sipa sa sinapupunan ko. bumaba ako sa isang laundry shop na may katabing beerhaus pero wala daw silang cr dun sabi nung bantay. lakad na naman ako, at sa wakas nakakita ako ng isang posibleng paghimlayan.. isang bulalohan. lapit agad ako sa nagluluto, “sir ano pong sa inyo?” na matuling kong sinagot ng “ahhhm p’wede pa CR muna?” itinuro n’ya ako sa likuran ng tindahan nila at nanariwa sa akin ang mag asawa nung unang panahon na naghahanap ng maanakan at nakatagpo ng isang mabait na estranghero na nagpapuwesto sa kanila sa isang sabsaban. malinis ang cr pero walang balde sa panglalake, palihim akong pumasok sa pambabae at dun ko nakita ang kumpletong kumbinasyon ng gripong tumutulo, balde, at isang tabo. masaya at mabilis akong umupo at sinamantala ko ang lahat ng pagkakataon. isa na lang ang kulang, sabon.
mabuti na lang may sachet ako ng ponds na panghilamos ko sa mukha ko. wala akong pagpipilian kahit pa parang may buha buhangin pa ‘yun. scrub! solb!
pawis na pawis ako nang nakalabas ako sa maliit na silid na ‘yun pero ibang klaseng gaan ng pakiramdam ko. walang pinagkaiba sa pakiramdam mo nung kinder ka pa tapos recess n’yo at bagong uwi ang tatay mo galing abroad kaya kakaiba ang baon mong juice at biscuit.
isa na lang ang kailangan kong malusutan, kailangan kong malagpasan ‘yung tinderang nagluluto at ‘yung mga kostumer na nakarinig ng misyon ko. wala akong ibang daan, naka kandado ‘yung gate sa gilid na sinubukan kong buksan.  naubusan ako ng taktika, kumuha ako ng isandaan sa pitaka ko, matulin kong dinaanan ‘yung tindera sabay lapag ng isandaan sa harap n’ya at walang lingon lingon na nagpasalamat sa tonong humihingi ng pasensya sabay lakad ng mabilis palayo. pero hinihingi ng pagkakataon na makita  ng lahat ang mukha ko dahil hinabol ako ng lalakeng serbidor nila para itanong sa akin kung para saan ‘yung isandaan. kaengotan!

at ‘yan po sir kung bakit late ako ng thirty minutes kagabi.

maraming salamat po.
Jon Cabron

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

15 thoughts on “dear sir sa pinapasukan kong kumpanya”

  1. eh ako bago ako pumasok sa tarbaho kelangan ko munang mailabas ang lahat ng nasa sinapupunan ko. yung isa’t kalahating oras ko ng pagaayos sa pagpasok, 30 minutes dun eh napupunta talaga sa pagtae.

    mahirap makaramdam nyan sa MRT hindi ito katulad ng bus na pedeng pumara ka na lang ng basta basta. lol.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s