paglalakbay at pakikidigma

naranasan n’yo na bang ‘yung tinatawag na out of body experience o ‘mas kilala sa tawag na astral projection? ako, oo.  hmmm sige, oo, yata. hindi ako sigurado. basta ang naaalala ko lang, galing ako sa isang bertdey ng kaibigan nun at napainom ako ng sobra. nakauwi naman ako ng maayos at walang naghahatid pero hindi ko na nakuhang maligo at  ‘yung pinaghubaran ko hindi na umabot sa lalagyan ng maruming damit, nakakalat lang sa sala lahat. nasa may tv ang pantalon, nasa likod ng pinto ang kanang sapatos at nasa ilalim ng mesa ang kaliwa, nakasabit sa door knob ‘yung tshirt ko, at ang suot ko lang habang nakahiga sa kama .. boxer shorts.
ewan ko kung anong naisipan ko nun pero lahat ng naabot ng kamay ko sinisira ko, ibinato ko ‘yung night light namin na virgin mary, nahablot ko ‘yung laruan na pust cart ng anak ko at dinurog ko sa pamamagitan ng kamay ko at ibinato ko ‘yung gulong nun sa wall clock na nakasabit sa ahhm wall. hindi nalalaglag dahil hindi tinamaan.
alam ko ‘yung ginagawa ko pero hindi ko mapigilan ang sarili ko, hanggang sa isinara na lang ni mrs. cabron ‘yung pinto ng kwarto nung napagod na s’ya kakaawat sa akin at nasigurado n’ya na wala na akong maaabot na bagay. ‘yun na ang huling naaalala ko.. kasabay ng pagsara ng pinto ang pagbalot ng dilim sa paligid ko at ang pagpanaw ng ulirat ko.
basta ang alam ko, hindi pa ako matagal na nakaka idlip ng biglang nanlamig ang buong katawan ko. napabalikwas ako sa pagkakahiga ng makarinig ako ng ingay ng mga bata. iminulat ko ang mga mata ko at nagulat ako dahil nasa ibang lugar na ako, lugar na maliwanag at napakaganda. nakahiga ako sa isang malambot na kamang puti tapos maraming mga batang nakatingin sa akin tapos nagtakbuhan sila papalayo nung nakita nilang nagmulat na ‘ko ng mga mata ko. sinundan ko sila ng tingin habang papalayo sila, dun sila nagpunta sa isang pinto na maliwanag. pinakiramdaman ko muna ‘yung sarili ko, nagulat pa ‘ko nung naramdaman kong wala akong hangover, tumayo ako tapos iginala ko ‘yung mata sa paligid ko. puro damong maiikli sa paligid ko, tapos andaming nagliliparan na paru paro, at ang maririnig mo lang sa paligid mga batang nagtatawanan at agos ng tubig..
pumunta ako sa maliwanag na pinto na pinagtakbuhan ng mga bata kanina, nakita ko sila na nakaupo sa paligid ng isang matandang nakaupo sa isang trono at nakaputing mahabang damit, puti din ang buhok pati ang balbas na mahaba na halos umabot na sa may dibdib n’ya. kinawayan n’ya ko at sinenyasan na umupo sa may paanan n’ya. nagtakbuhan ‘yung mga batang nakikinig ng makita ako, palabas ng pintuan at pabalik sa pinanggalingan ko kanina.
tahimik lang ‘yung matanda habang nakaupo ako sa may paanan n’ya. magulo pa rin ang utak ko.

JON: alam mo ba kung anong nangyari sa akin? bakit ako nandito?
MATANDA: hindi ba dapat ikaw ang nakakaalam n’yan dahil sarili mong katawan ‘yan?
JON: naguguluhan ako, ang alam ko lasing ako at nagwawala sa kwarto, nagising na lang ako na andito na ako.
MATANDA: ahhhm pa’no kung sabihin ko na pagkasara ng pinto ng asawa mo, nakatulog ka ng mahimbing at binangungot ka?
JON: …. ibig sabihin patay na ‘ko? at nasa langit na ako?
MATANDA: oo, at hindi. oo dahil tama ka patay ka na nga, at hindi dahil mali ka, wala ka pa sa langit. nasa lugar ka pa lang kung saan hinahatulan ang mga kaluluwa.
JON: pero bakit naman ganun kabilis, hindi man lang ako nakapag paalam sa mga mahal ko sa buhay, tsaka hindi man lang ako nagkaron ng pagkakataon na makapag bagong buhay?
MATANDA: anak, lagi mong tatandaan ang sinabi n’ya. babalik s’ya na parang isang magnanakaw at sa isang kisap mata. kaya ang dapat mong gawin, sa araw araw na nabubuhay ka pa.. lahat ng ginagawa mo siguraduhin mong ikalulugod n’ya. para kung sakaling bigla na lang na nakatayo na s’ya sa harapan mo.. hindi ka mag aalangan humarap sa kanya.
JON: may pag asa pa ba? gusto kong baguhin ang lahat. gusto kong pag nawala man ako, hindi ‘yung larawan ng ama, asawa, at anak na pabaya ang maiiwan sa mga nagmamahal sa akin.
MATANDA: wala naman imposible sa kanya, pero ikinalulungkot kong hindi ka na makakabalik sa dating ikaw. ilang oras ka ng patay at sinukuan ka na ng mga duktor.
JON: pero ikaw ang nagsabi na walang imposible sa kanya di ba? makapangyarihan s’ya di ba? nagmamakaawa ako, kahit isang araw lang.. maawa ka’yo sa akin at sa anak ko!
MATANDA: may isang kundisyon iho, kailangang talunin mo ang isang halimaw na may tatlong ulo. at ang tanging armas mo ay ang pananampalataya mo at ang dalawang mandirigmang anghel na ibinaon ko sa katawan mo. magmadali ka, dahil wala ka ng oras.. sundin mo ang mahiwagang tinig ko at ituturo ko sa’yo ang kweba na pinagtataguan ng halimaw.

matulin akong tumakbo, at kahit hindi ko naririnig sa tenga ko ‘yung boses n’ya.. parang utak sa utak ang ginagamit namin na paguusap. pumasok ako sa isang madilim na kweba, wala akong makita kaya nangangapa lang ako sa mga haliging bato habang naglalakad ako. ng biglang may humampas sa may likuran ko na isang buntot na malaki, napadapa ako sa bigat at napasigaw ako sa hapdi. pero wala pa rin akong makita kundi tatlong mata na naglalagablab. muling bumulong sa akin ang tinig at inutusan n’ya akong pakawalan ang unang anghel na mandirigma sa katawan ko.. ANG ANGHEL NG LIWANAG. tinanong ko s’ya kung papano at sinabi n’ya na sa pamamagitan ng isa pang ibinilin n’yang sandata.. ang pananampalataya. naramdaman kong may bumubukol sa katawan ko, masakit ang bawat pag alon nun at napasigaw ako.. at muli ibinulong n’ya sa akin na magtiwala lang ako at pabayaan ko lang na lumabas sa katawan ko ‘yun, ‘wag kong pigilan. hinayaan ko na lang at lumabas nga mula sa katawan ko ang isang babaeng may pakpak na naghatid ng liwanag sa kapaligiran, at dun ko nakita ang itsura ng halimaw, tatlo ang ulo n’ya na may tig iisang mga mata, parang kalabaw ang katawan n’ya at may buntot s’ya na parang sa isang dragon at paa na parang sa bibe… bigla n’yang ibinuka ang tatlong bibig n’ya at nagbuga s’ya ng apoy, matulin akong tumakbo at nagtago sa isang malaking nakausling bato, patuloy ang paglabas ng apoy sa bibig n’ya habang papalapit s’ya sa kinalalagyan ko. pakiramdam ko ilang sandali lang hindi ko na matatagalan ang init na nararamdaman ko. sumigaw ako ng ubod lakas at kinausap ko ang tinig ng matandan, “lahat ng ito ipinagkakatiwala ko sa’yo, kung ano man ang mangyari sa akin.. tinatanggap ko” ilang dipa na lang ang layo ng halimaw sa kinalalagyan ko ng narinig ko ulit ang tinig ng matanda, pakawalan mo ang huling mandirigma sa katawan mo!
matulin akong gumulong at lumipat sa mas mataas na bato, pero hindi tulad ng naunang mandirigma mas matindi ang hirap na nararamdaman ko sa paglabas ng pangawalang mandirigma sa katawan ko, halos ibigay ko na ang buong pwersa ko, pero patuloy lang sa pag alon ang buong katawan ko.. “ibigay mo ang lahat ng lakas mo, isang mabilis at isang matindi!” sigaw ng boses ng matanda sa isip ko. tumigil sa pag hakbang ang halimaw at parang nangati ang lalamunan n’ya sa matagal na pag buga ng apoy kaya hinihimas n’ya ito, habang nakangisi sa akin ang tatlong bibig n’ya.
bigla kong narinig ang boses ng anak ko, sumisigaw s’ya pero hindi ko s’ya makita “mommy! si daddy!!!!”
sapat na ang tinig na ‘yun para ibigay ko ang buong pwersa ko, nakita ko na lang na nabiyak ang dibdib ko at may lumabas na liwanag dun, isang matinding pwersa pa at unti unti kong nararamdaman na lumalabas mula dun ang isang matipunong mandirigma, at nung halos kalahati na ng kabayong sinasakyan n’ya ang nakalabas sa katawan ko, naramdaman ko na lang na biglang may humampas ng unan sa mukha ko, napaisip pa ako kung bakit unan ang bitbit ng halimaw, pagdilat ko ng mata ko.. nakahiga ako sa kama namin sa kwarto, nakapalibot  sa akin ang anak ko at si mrs. cabron… na may hawak na unan sa kamay n’ya at galit na galit.
“tangina ka! lasing na lasing ka, napatae ka na sa kamang hayup ka, ‘wag ka ng makainom inom ulit na demonyo ka!”

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

15 thoughts on “paglalakbay at pakikidigma”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s