pandesal

ang alam ko late ka na nakapasok sa eskuwela nun, ang natatandaan ko kse marami na akong kakilala nun sa room nung dumating ka na hatid hatid ng lola mo. naaalala ko sa akin ka itinabi ng teacher natin, ako daw kse ang pinakamabait na estudyante n’yang lalaki. tahimik ka lang nun, nakita ko sa mga mata mo ang takot at pag aalinlangan nung iniwan ka na ng lola mo dahil simula na ang klase natin. panay ang tingin mo sa labas, hinahanap mo ‘yung lola mo. napagalitan ka tuloy ng teacher.
lahat kami naka uniform, blue na short sa lalaki at puting polo, paldang blue naman sa babae, ikaw ang suot mo pink na bestida, naka stockings ka pa. naisip ko na lang, siguro bago ka pa lang kaya di ka pa naibibili ng nanay mo ng damit. nung recess na nakita kitang mag isa at kumakain ng baon mong pandesal, hinanap ng mga mata ko ‘yung lola mo pero wala s’ya sa tabi mo.. kaya siguro umiiyak ka.  
dalawang linggo na siguro tayong pumapasok nun pero hindi ka pa rin nagsasalita, wala ka pa ring kinakausap kahit sino, nung minsan na tinawag ka ni teacher para sumagot sa blackboard sa harapan, umiyak ka lang ng umiyak. kaya ganun na lang ang gulat ko nung narinig kong bumubulong ka dati sa akin, tinatawag mo ko sa pangalan ko.. nanghihingi ka ng papel sa akin dahil may quiz tayo, natuwa ako nun kse kahit bata pa tayo alam ko ng magiging simula ‘yun para maging magkaibigan tayo. nainis lang ako nun kse halos lahat ng kaklase natin nung nakitang binigyan kita, naghingian na rin sila lahat.
napapansin ko nun pag recess natin, maraming nagpupuntang mga teacher sa room natin tapos kahit bata pa ‘ko nun marunong na rin akong makakutob, alam ko ikaw ang pinaguusapan nila kse tumitingin sila sa’yo pag naguusap sila, tapos tumatahimik sila pag napapatingin ka… alam ko ikaw ‘yun kse ganun ang nanay ko pag kausap n’ya ‘yung mga kalaro n’ya ng bingo dati nung hindi pa umuuwi galing ng ibang bansa ang tatay ko.
kahit maliit pa ‘ko marunong na’kong sumakay ng jeep magisa nun, basta nagpapatawid lang ako sa pulis na lolo nung kaklase ng mga pinsan ko sa kabilang section, tapos nun alam ko na kung saan ako sasakay at bababa. basta sabi ng nanay ko alabang lang ang sasakyan ko, isang signboard lang walang sucat.
napansin ko madalas kang absent tsaka matatagal. pansin ko agad ‘yun pag dating ko sa room natin pag umaga kse lagi kang mas maagang pumapasok sa akin e. tsaka napapansin ko pag matagal kang absent, pagbalik mo lagi kang may mga sugat tsaka pasa sa katawan. pero sabi ni teacher nung wala ka pa, wag ka daw tatanungin kung napaano ‘yung mga ‘yun, wag na lang daw pansinin tsaka wag ka na lang din daw tanungin kung bakit ka absent.
naaalala ko pag recess na, nagmamadali ako laging tumakbo papuntang canteen tsaka sumisingit pa ‘ko sa pila para lang mabili ko agad ‘yung chichirya na bibilhin ko tsaka zesto. alam ko kse nasa loob ka lang ng room, di ka naman kse lumalabas dahil may baon ka naman laging pandesal tsaka tubig dun sa baunan mo. ewan ko, kahit na alam ko naman na hindi ka naman nakikipag usap sa akin pag kumakain ka, basta parang gusto ko lang na andun ako.
hindi ko makakalimutan nung nawala ‘yung baon kong pera, ang tao na lang sa room nun, yung ibang kaklase natin na sinusubuan ng biling sopas ng mga bantay nila, ako, tsaka ikaw. hindi kita tinitignan nun kse naiiyak ako, hindi kse talaga ako naniniwalang basta na lang malalaglag ‘yung pera ko kse nasa unahang bulsa ng bag ko ‘yun e. tumungo na lang ako, nagsulat ng kung anu ano sa papel ko.
naramdaman ko na lang may kumakalabit sa balikat ko, pag angat ko ng ulo ko.. ikaw pala. nagulat ako at ang unang pumasok sa isip ko manghihingi ka ulit ng papel, pero hindi ka nagsalita, ipinatong mo lang ‘yung pandesal sa may armchair ko tapos tumalikod ka na, bumalik ka na sa upuan mo. hindi naman talaga ako nagugutom nung mga oras na ‘yun pero pakiramdam ko malaking bagay sa akin ‘yung ibinigay mo. ansaya saya ko nun. iyon na yata ang pinakamasarap na pandesal na natikman ko, kahit hanggang ngayon.
hindi ko na maalala sa ngayon kung ano pa ang mga nangyari pagkatapos nung araw na ‘yun, basta sigurado ako na hindi pa rin tayo nakapag usap matapos ‘yun, maliban na lang pag nanghihingi ka ng papel sa akin. basta napansin ko na lang ulit na mas lalong dumalas ang mga araw na wala ka sa klase, laging bakante ang upuan sa may kanan ko sa tabi ng bintana. naging normal lang naman sa akin ang lahat. pero may mga alis ako sa bahay bago pumasok na andun ‘yung pag asa na pag dating ko sa room, makikita ko ulit na andun ka na sa upuan mo.
isang araw, habang nagtuturo ‘yung teacher nakita ko ‘yung lola mo, tinawag n’ya ‘yung teacher natin kaya natigil ang klase. dun sila nagusap sa may labas ng room. patingin tingin ako dun, ang naiisip ko nun mas matagal pa kitang hindi makikita, ganun din kse ang nanay ko nung nagkasakit ako at matagal hindi makakapasok, nagpunta din s’ya at kinausap ‘yung teacher natin.
maya maya bumalik na ‘yung teacher natin sa room, akala ko tapos na ‘yung usapan pero may kinuha lang pala sa may drawer n’ya, akala ko rin namalikmata lang ako pero umiiyak ‘yung teacher natin. tapos kumaway s’ya sa labas, pumasok ‘yung lola mo… kasunod ka. lumakas ang kabog ng dibdib ko nung nakita kita. dun lang kita nakita na maganda ang suot mo. niyakap ka ni teacher tapos sinabihan ka n’ya na magpaalam na sa mga kaklase mo.
hindi ka nagsalita, nahihiya ka. nakayakap ka lang sa lola mo. tapos nun mukhang kailangan n’yo ng umalis.. nakatingin lang ako sa’yo, hindi gumana ang magic ng kutob ko sa mga nangyayari. naguguluhan ako. tsaka ambigat bigat ng dibdib ko. parang sasabog.
hinatid kayo ng teacher natin hanggang sa may pinto, habang naglalakad kayo nagbubulungan pa rin sila ng lola mo, pareho silang umiiyak. nakahawak ka lang sa lola mo, habang kasunod ka nila. at nung malapit na kayo sa pinto at malapit ka ng mawala sa paningin ko. tumingin ka sa akin, nagsalubong ‘yung mga mata natin, tapos ngumiti ka.
lalong bumilis ‘yung kaba ng dibdib ko. nablangko ako, at pagbalik ng diwa ko… wala ka na.

hindi na kita nakita ulit pagkatapos nun, wala na rin akong maalala kung papaano ko dinala ‘yung pagkawala mo nung pagkatapos ng huling pagkikita natin. siguro dahil bata pa ako, hindi ka naman talaga ganun kaimportante sa buhay ko nun.
pero kanina lang habang nakikikain ako ng almusal sa kabila, napunta ‘yung usapan namin ng nanay ko nung estudyante pa lang ako, hanggang sa nabuksan ang usapan tungkol sa ‘yo. nagulat pa ako dahil alam n’ya pala ang istorya mo, naikwento daw ng teacher natin.
kinuha ka na pala ng tatay mo sa nanay mo nung huling araw na nakita kita. may nakapag sumbong daw kse na minamaltrato ka nun tsaka ng kinakasama n’yang ninong ng kapatid mo. ang huling balita, iniuwi ka na raw sa probinsya.
wala ng nakakaalam kung ano ang nangyari sa’yo pagkatapos nung araw na ‘yun. wala na ring mapagtatanungan dahil kasama palang giniba ang bahay n’yo dati nung naglinis ng mga iskwater sa muntinlupa, bago pa man ako umalis sa eskuwelahan na ‘yun.

wala akong naiisip na paraan para magkaron ng balita tungkol sa ‘yo at wala din naman akong naiisip na dahilan. pero kung sakali na mabasa mo ‘to, gusto ko lang mangamusta. … hindi rin pala ako sigurado kung naaalala mo pa ako.

basta ang natatandaan ko, mary grace ang pangalan mo. hinahatid ka ng lola mo sa eskuwelahan, lagi kang naka pink na bestida… at lagi kang may baong pandesal na may palamang asukal.

muntinlupa elementary school ’87
grade1
section 15

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

24 thoughts on “pandesal”

  1. sweet naman ng story mo Jon.. kakatouch… and kawawa naman ung classmate mo, siguro sa murang edad nya, nagtatanong na sya kung bakit mas maswerte ang iba bata sa kanya. Pero natutuwa naman ako na in your own little way, napasaya mo sya sa araw-araw lng napagbibigay ng papel. :nod:

  2. Nandito ako s hospital, gusto kong ngumiti..ang naisip ko lang blog m,jon.
    Hindi ko n sana tatapusin itong entry m kasi parang lalo akong nalungkot..
    Pero naisip ko,dedma na..tapusin ko n..
    I don’t want to offend you,jon..pero napangiti m p rin ako..hehe
    Last question lang…ilang section ba dun s school n yun?hehehe

  3. ang haba ng post, pero ang ganda ng istorya.

    nung una, akala ko baka may sakit sya na leukemia kse laging may pasa.

    ang sweet ng story mo. natawa naman ako sa comment ni lenggai, na ang nai-imagine nya eh may goatee ka.

    ako naman, ang na-imagine ko, parang tipong patpatin ka pa nun. pero shempre, malay ko kung ano ang totoo.

  4. magkabatch pala tayo jon…

    subukan mo isearch sa friendster… ginawa ko na yun dati..kaadikan…inisa isa ko talaga ang 10,268 na search result sa pangalang anthony…

    wahahahaha…

    sa awa ni batman nakita ko sya after 75% na pagbrobrowse…

    itry mo ang mary grace, grace, o ga-ra sa search ng friendster…isa-isahin mo…philippines muna then saka mo isa isahin bawat bansa…

    makikita mo rin sya…

  5. tindi ng entry mo..jon….. di ko mapigilang dumikit na parang superglue at napilitang sumakay sa bawat salita na pi-nost mo – 2nd time na nangyari to sa aken, Una ng binbasa ko ang Angels and Demon ni Dan Brown…tapos tong pandesal…

  6. iniisip ko pa namang mabuti kung saang elementary ka nag-aral, yun pala nakalagay naman sa dulo.

    nakakatouch naman. tama sila, pangMMK nga! at sana may sequel..
    andaming mary grace sa mundo. may classmate akong mary grace nung high school at meron pa sa batch na mas bata sa ‘min. gudlak kung hahanapin mo siya.

  7. na tats ako putris!grabe ang istoryang yun,para akong nakapanood ng maala-ala mo kaya.ilang minuto akong nagin EMO.pero isa lang ang nakapagpabalik sa tunay kong mundo…nung sinabi mong ang pandesal pala ay pwedeng palamanan ng asukal?

  8. sobrang heartfelt entry nga ito pre. ibang klase ka magkwento parang pwede na gawan ng episode sa maalaala mo kaya. astig eh!

    malabo ng makita mo sya. duda rin ako kung aatend sya ng reunion kung sakali. wag ka na din umasa sa friendster dahil baka hindi sya gumagamit ng computer o walang computer sa lugar nya.

  9. 😆 super nakaka antig ng damdamin ang post mo wla ako msabi..kasi isang buwan pa lang ata ako nung nag gegrade one kna.. at nung nakaraang taon nag duty ako sa muntinlupa elem school baka naging estujante ko anak ni mary grace.😆

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s