lamay

nagpunta ako nung monday sa huling lamay ng kapatid ng lolo ko, umarkila sila ng pagbuburulan, ako lang mag isa ang nagpunta at sumunod na lang ang nanay ko at kapatid ko. ayoko naman sana talagang pumunta, kaya lang nakakahiya daw kse dalawang burol na ng kamag anak ang hindi ko napupuntahan. at bago pa isa isahin ng nanay ko kung papanong mas mabuting tao pa ‘ko sa mga nakakainuman ko at sa ibang tao kesa sa mga kamag anak ko, napilitan na rin akong pumunta.andaming tao kaya as usual, diretso na naman ako sa pinakalikod at nagtago sa mga grupo ng nagtotongits. nakita ako ng mga tiyuhin kong nagiinuman at kinawayan pero ngumiti lang ako at tumango, ayoko na talagang uminom.  pinagmamasdan ko ang mga tao mula sa lugar ko at naisip ko na mas magaganda ang mga kamag anak kong mga may idad na kesa sa mga kabataan. ampapangit siguro kse ng mga napangasawa nila kaya ampapangit ng mga batch ng kabataan. kinailangan kong magyosi pero nahihiya akong lumabas, natatakot akong may makakita sa akin at obligahin na naman ako sa tipikal na “uy jon, sinong kasama mo?” “nakita mo na ba si lola mo?” “nagmano ka na ba kay lolo ano mo?” “halika, halika ipapakilala kita sa tito ng lolo mo sa pinsan ng nanay mo” demet!
masusi kong pinlano ang gagawin kong pag eskapo para magyosi sa labas, tatlong steps lang ang gagawin ko at malinis na makakababa ako ng walang nakakapuna sa akin. una, lalayo ako sa nagtotong its sa pamamagitan ng pagtago sa likod ng namimigay ng kape at lugaw, at dahil hindi pwedeng dumiretso ng labas ng hindi ako mapapansin, kakalas ako sa likod ng serbidora at didiretso ako sa kabaong, sisilip kunyari… at pag napansin ko ng wala na sa akin ang atensyon, ihahakbang ko ng maliit ang kaliwa kong paa sabay ng isang malaking hakbang ng kanan.. diretso sa hagdan pababa.. prison break!
nagawa ko ng maayos ang mga unang hakbang, matagumpay akong nakapagcover sa likod ng namimigay ng lugaw at kape, mabilis din akong naka hiwalay at dumiretso sa kabaong ng lolo ko, may mata ako sa likod habang nakatingin sa kabaong, nakita ko sa gilid ng mata ko na biglang kumislap ang mata ng isang tiyahin ko at itinuro ako sa umpukan ng matatanda… isang espiya! ipinikit ko kunyari ang mga mata ko para hindi ko sila kunyari napapansin.
ng biglang naramdaman kong sumisikip sa paligid ko kasabay ng isang tunog ng mga nagkakantahang mga babae at lalaki na nakaputi. naguluhan ako at kinusot kusot ko pa ang mga mata ko na galing sa pagkakapikit mula sa isang pekeng pagdadasal, miyembro pala ng isang relihiyong sikat sa tv ang lolo ko at kinakantahan sya ngayon ng may pitong lalaki at anim na babae sa tabi ng kabaong n’ya habang nasa likod nila ako. hindi pwedeng hindi ako mapansin dahil naka orange akong tshirt at ang mga nagsisikanta ay mga naka puti. nagmukha akong tanga. at naging sentro ako ng atensyon. at naging sentro ng atensyon ang pagmumukha kong tanga.
wala akong nagawa kundi umupo muna sa pinakamalapit na bakanteng upuan, at iyon ay sa grupo ng mga matatandang nanggaling pa sa probinsya. wala akong nagawa kundi lunukin ang ritwal at tradisyon.
ang haba at ang dami ng kinanta nila. at kung nakakamatay ang matinding pagkainip, mamumutla lahat ng kamag anak ko dahil magdidire diretso ang puyat nila sa paglalamay sa bangkay ko.
niyaya ko ng inuman ang dalawang pinsan ko para lang makalayo sa matatanda at sa mata ng mga tao dun sa taas, sabi ko sagot ko pero dun kami sa baba para hindi makasama yung mga beterano. matapos nilang kumpirmahin na ako ang magbabayad ng iinumin namin, sumige din sila. at bago kami makababa sa hagdan, ang dalawang niyaya ko ay naging pito. walo kaming magiinom at sagot ko ang lahat. nyay!
hindi pa kami nakakarami ng bumaba ang mga beterans at nadiskubre nila ang kuta namin sa baba at lihim kong naisumpa ng isang nakamamatay na sakit ang isang pinsan ko ng sumigaw s’ya ng walang malisyang
“tito! andito kami!”   wala akong nagawa kundi ngumiti at malamig na mag alok ng inuman.
hanggang sa andami na naming nagiinom at dumating sa puntong nakalimutan ko na ‘yung patay sa taas at pakiramdam ko bertdey ko …medyo sosyal ang venue dahil sa lim de mesa ginanap.
halos patapos na rin ang inuman at unti unti ng nasisimot ang pera sa pitaka ko at unti unti ko na rin narerealize ang mga posibilidad na maaanghang na salitang ihahain sa akin ni mrs. cabron dahil baon ko ‘yung pera na ‘yun para sa isang linggo.
may lasing na tiga lugar na ‘yun at hindi namin kamag anak at hindi sa amin nanggaling ang nagpasikat, tumawid at ikinalat ang mga basura sa kalsada. otomatik na hinanap ng pinsan kong mga babae ako at yung dalawa ko pang pinsan dahil delikado raw kami at maiinitin ang ulo. sinabi ko na hindi ako nakikipag away at hindi ko papatulan ‘yun sa mga panahon na ‘to. bumaba ang nanay ko at nagpaalam na uuwi na, at habang nagaabang s’ya ng jeep, nagkagulo sa may dulo. binubugbog ng mga tito ko at nung dalawa kong pinsan na kasama ko ‘yung lalaking nagkalat ng basura. hinawakan agad ako ni ginang cabron at inawat na lumapit at sumugod sa gulo. sinabi ko sa kanya na hindi ako makikialam.
dumating ‘yung tatay nung lalaki at nakialam, kaya pati s’ya bugbog sarado sa mga tiyuhin ko.
hanggang sa dumating na ang mga pulis at baranggay. pikit ang mata nung lalaki at basag ang labi, duguan.
may namumuong dugo sa mata ng tatay n’ya. sa baranggay muna kami nagharap harap.


… mamaya naman.

May-akda: Jon Cabron

mapanganib, nakakasakit.

19 thoughts on “lamay”

  1. hahaha! Panalo ka talaga magkwento! Isa rin sa kinaiinisan ko minsan ung biglang pagkikita ng mga kamag-anak tapos ipapakilala ka kung kni-kninong lolo, lola, pinsan, tiya at tiyo… na kapatid ni ganito o anak ni ganyan na pinsan ni ganito! hala na! hehe

  2. “at kung nakakamatay ang matinding pagkainip, mamumutla lahat ng kamag anak ko dahil magdidire diretso ang puyat nila sa paglalamay sa bangkay ko.”

    hahaha. natawa ako sa linyang to.

    (at sa wakas, nakapag comment din)

  3. “hanggang sa andami na naming nagiinom at dumating sa puntong nakalimutan ko na ‘yung patay sa taas at pakiramdam ko bertdey ko …”

    haha! langya nalagasan ka tuloy ng pera ng wala sa plano. hindi ka pa nakaiwas sa bisyo mo..tsk tsk..next time na lang ulit.

  4. hala. kakaibang lamay to ah. may adventure (ang pagtangkang pagpuslit), horror (yung patay?), may action (bugbugan) at may drama (yung pagtulong nung tatay sa anak niya. how heartwarming hehe).

    in fairness. talo niya yung mga palabas sa tv sa channel seven na nagpapanggap na entertainment daw. mas naentertain pa ko dito eh. hehe.

    tsaka, mr cabron, pwede ka pa naman uminom. hehe. 30g lang of alcohol per day. safe na safe.:mrgreen:

    1. pero…. pang mumog ko lang sa umaga ‘yang 30g ng alcohol😦
      at gusto ko lang sabihin na mabilis mainlab ang isang babae pag naeentertain s’ya sa isang lalaki. ok, wala akong katibayan sa sinabi ko na ‘yan pero basta gusto ko lang sabihin.
      also, wow! sa wakas may magandang babae din na nagbasa ng blog ko.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s