akala ko tapos na ang lahat. akala ko nagbago na ‘yung buhay ko at ang pakikitungo sa akin ng lahat ng tao. akala ko nalagpasan ko na yung dating buhay ko, at inakala ko na malayu layo na ‘yung nararating ko. pero hindi pala, may mga naiwan pa pala akong gusot na hindi ko pa naaayos at parang magnanakaw lang na naghihintay ng pagkakataon para kumilos. isa na namang mapait na aral ng buhay, mahirap mag ipon ng kaaway dahil ang away, walang expiration date.
nagsimula ang araw ko nung martes na parang walang kakaiba, gumising, kumain, naligo, naghanda para pumasok sa trabaho. sakay ng unahan ng jip pabyaheng alabang, nakasalpak sa magkabilang tenga yung earfone. walang kinse minuto pagkalayo ng jip sa lugar namin.. tumigil sa isang lugar para mag abang ng pasahero, biglang may sumuntok sa akin. sa mukha. lagapak ang mukha ko at sumabog ang dugo sa ilong ko,
hindi tumutulo ang dugo, literal na umaagos. ang mali n’ya lang nakipag titigan pa s’ya sa’kin bago s’ya nanakbo, nakilala ko pa tuloy s’ya. hinabol s’ya nung nakasakay sa likod ng jip na sinasakyan ko, pulis yata. hindi na inabutan. at ngayon ko lang naisip ang isang kaibahan ng ngayon, kung dati nangyari ‘to malamang diretso na ‘ko sa mga barkada ko para magplano ng resbak, pero iba ang ginawa ko. bumaba ako sa jip, tinawagan ang boss ko para magpasabing ‘di ako makakapasok, at tumawag ako sa bahay namin para sabihan sila sa nangyari sa akin. naghintay ng sasakyan ng rescue, ng ambulansya at sumakay sa rescue para hanapin ‘yung bahay nung sumuntok sa akin.
4th year high school ako nun, s’ya ang dahilan kung bakit ako nakick out. nalaman n’yang may waiver ako sa office na isang beses pa akong mapaaway, kick out na ‘ko. pinrovoked n’ya ko, pinatulan ko. at least nung sinuntok ko s’ya nung mga panahon na ‘yun.. binigyan ko s’ya ng pagkakataon na lumaban. pero hindi s’ya lumaban.
twelve years na ang nakakalipas pagkatapos n’un. at eto ngayon.. bente otso na ako, may asawa at walong taon na anak at binubuhay n’ya ulit yung away na ‘yun. tinantya ko ang sarili ko kung kaya ko pa ba. magkahalo ang nararamdaman ko. ayokong pumayag ng matapos ng ganito na lang pero parang napapagod na ako sa habulan at taguan, parang hindi na yata bagay sa akin.
idinadaan ko muna sa tama ang lahat, pag walang nangyari.. tsaka na siguro ako kikilos ng makalumang paraan.
nagpa xray ako at salamat naman na walang baling buto, pero matindi ‘yung pagdurugo talaga at sinabihan ako ng duktor na bawal munang suminga, mangulangot at iwasang mapa hatsing ng malakas, dahil ‘yung mga natuyong dugo daw pag natanggal baka maging sanhi ulit ng pagdurugo.
at isa ‘yun sa kinakapag init ng ulo ko sa taong yun dahil naisip ko na malaking pagtapak sa moral ng isang indibidwal ang pigilan s’yang gawin ang isang napakasarap na libangan at masarap na pampalipas oras
.. ang mangulangot.